MGA ESTUDYANTE DAPAT MAG-ARAL NANG TODO

MGA ESTUDYANTE DAPAT MAG-ARAL NANG TODO

September 7, 2022 @ 8:06 PM 4 weeks ago


MAGANDANG balita na paaabutin ng Department of Social Welfare and Development sa 400,000 mag-aaral ang ayuda nitong Educational Assistance.

Bawat isa sa mga estudyante ay magkakaroon ng P1,000 sa elementarya, P2,000 sa haiskul, P3,000 sa junior at senior high school at P4,000 sa kolehiyo at teknikal school.

Sa ngayon, mahigit 250,000 mag-aaral na ang nabiyayaan ng ayudang pang-edukasyon ng pamahalaang Marcos sa pamamagitan ng DSWD.

Pero kung isama ang mga mag-aaral na kasama sa mahihirap na pamilya na miyembro ng 4Ps, aba, milyones ang may ayuda sa pag-aaral.

KABOBOHAN AT LIBRENG PAG-AARAL

Kung iisiping libre na lahat ang tuition fee, maging sa kolehiyo, lalo na sa mga public school, university at college, walang dahilan upang huminto sa pag-aaral ang mga kabataan.

At walang dahilan upang maging bobo ang mga kabataan at walang dahilan din upang hindi uunlad ang bansa.

Alalahaning sa de-kalidad at mataas na edukasyon tayo higit na aasa ng magandang kinabukasan ng mahal kong Pinas.

Walang patutunguhan ang bansang higit na marami ang mangmang kaysa mga edukado.

TODO BUHOS ANG MGA LIDER

Walang ibang gawin dapat ang mga mag-aaral kundi mag-aral.

Lalo’t kitang kita naman ang pagsusumikap ng mga lider ng bansa, gaya ni Pangulong Bongbong Marcos na nagsusulong ng edukasyong nakabase sa siyensiya.

Naririyan din si Vice President Sara Duterte na nagnanais na pagkatapos mag-aral ang mga bata, marurunong na sila na gamitin ang kanilang mga pinag-aralan.

Isa pa, naririyan ang palatandaan ng pagnanais na mapabuti ang kalagayan ng mga guro upang mapagbuti ng mga ito ang kanilang tungkulin.

Gaano man katiting, halimbawa, ang P5,000 panimula para sa mga titser na pampawi ng kanilang pagod sa paghahanda sa pagbubukas ng eskwela, kahit papaano nakagaan sa kanila ito.

Maging ang mga walang pag-asa noon na makatapos ng pag-aaral, naririyan din ang alternative learning system na daang-libo na ang nakikinabang at marami na sa mga ito ang nakapagtapos ng pag-aaral habang ang iba ay nakatuntong na sa kolehiyo.

Nakatulong din nang malaki kahit sa mga pribadong eskwela ang programa ng pamahalaan na ienrol ang mga bata sa nasabing mga eskwela dahil sa kawalan ng pampublikong iskul sa lugar o labis na kakulangan ng silid-aralan nito.

Marami ring pribadong titser ang nakasurbayb sa pananalasa ng COVID-19 dahil sa Education Service Contracting (ESC) and the Teacher Salary Subsidy (TSS).

Para sa mga bata, sana samantalahin nila ang lahat ng pagkakataon.

PAHAMAK NG KALAMIDAD

Dangan nga lang at hindi maitodo nang husto ng pamahalaan ang mga programa nito sa lahat ng panahon at lugar.

Halimbawa sa mga tinatamaan ng mga kalamidad gaya sa hilagang Luzon na sinira ng malakas na lindol ang maraming iskul.

Anak ng tokwa, hindi pa nare-repair ang mga ito, dinaluhong naman sila ng mga baha at bagyo.

Pinagsisira rin ng mga kalamidad ang mga hanapbuhay ng mga titser at magulang ng mga estudyante.

Kailangan lang ang malaking pag-unawa kung hindi maitodo ng pamahalaan ang pagsusulong nang todo sa programang edukasyon.