Mga estudyante, Kabataan party-list nagprotesta vs mandatory ROTC

Mga estudyante, Kabataan party-list nagprotesta vs mandatory ROTC

November 18, 2022 @ 11:07 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nagsagawa ng kilos protesta sa pamamagitan ng unity walk nitong Huwebes, Nobyembre 17 ang mga miyembro ng Kabataan party-list at mga estudyante mula sa ilang unibersidad upang tutulan ang pagbabalik ng mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC).

Minarkahan rin nito ang selebrasyon ng 4th Philippine National Students’ Day at 81st International Students’ Day.

Nagsimula ang mga ito na magtipon-tipon sa gate ng University of Sto Tomas sa Espana Blvd., bago magtungo sa Far Eastern University sa Morayta na sinamahan pa ng mas maraming mga estudyante habang nagma-martsa pa mendiola.

Dahil sa trapiko na idinulot nito, nakiusap ang pulisya na isagawa na lamang ang protesta at programa sa Freedom Park.

“Kami ay nakikiusap. Kung gusto niyo ituloy ang programa doon kayo sa Liwasang Bonifacio. Bawal po dito,” ani Station 14 commander P/Lt. Col Ramon Nazario.

Sa kabila nito, pumalag naman si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, at iginiit na hindi nila kailangan ng permit para magprotesta.

“Karapatan namin. We are exercising our right to freedom of expression,” ani Manuel.

Kung pipilitin umano ng grupo ay wala nang magagawa ang pulisya kundi idisperse ang mga ito.

“Abot Divisoria na po ang traffic. Bawal po dito. Nagagalit na taong bayan sa traffic,” ani Nazario.

Pagsapit ng alas-5 ng hapon ng kaparehong araw, nagdesisyon na lamang ang mga nagpoprotesta na ilipat ang kanilang programa sa Liwasang Bonifacio. RNT/JGC