Mga estudyante ng Makati, pinuri sa pangunguna sa TOFAS

Mga estudyante ng Makati, pinuri sa pangunguna sa TOFAS

March 17, 2023 @ 12:25 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Pinuri ng lokal na pamahalaan ng Makati ang ilan sa mga estudyante ng pampublikong eskwelahan sa lungsod na nasa Grade 3 hanggang 10 dahil sa kanilang pangunguna sa regional Test of Functional Academic Skills (TOFAS) ng Department of Education (DepEd) nitong nakaraang Pebrero 20-24.

Ang TOFAS ay isang libreng global online testing system na idinisenyo upang malaman ang fundamental at skill strengths pati na rin ang kahinaan ng mga mag-aaral na makatutulong sa mga guro kung saan nararapat na magpokus para turuan ang kahinaan ng mga estudyante.

Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na ang mga estudyante ay nakapagtala ng pinakamataas na passing rates sa Mathematics sa lahat ng lebel na naglagay sa Schools Division Office (SDO) ng Makati sa unang pwesto sa kabuuang 16 na SDOs sa buong National Capital Region (NCR).

“Congratulations to our Proud Makatizen students for this latest achievement! Once again, you have proven that the city is on track in promoting academic excellence through substantial investments in programs aimed to continually raise the quality of our public education system,” ani Binay.

Sinabi naman ng SDO Makati na nasa 41,546 estudyante ng Grades 3 hanggnag 10 ang kumuha ng online test kung saan kanlang sasagutan ang 100 katanungan na multiple choice at maaaring tapusin sa loob ng 40 minuto sa pamamagitan ng desktop, tablet o dili-kaya ay sa Android smartphone.

Nakapaloob sa pagsusulit ang computational skills na kinabibilangan ng decimals, fractions, integers, equations, polynomials, systems, at quadratic equations.

Ipinaliwanag din ni Binay na ang mga impormasyon na makukuha sa naganap na pagsusulit ay gagamitin upang bumuo ng interbensyon na akma sa abilidad at pangangailangan ng mga mag-aaral.

Nagpasalamat naman si Binay sa mga opisyales ng SDO Makati pati na rin sa mga guro ng pampublikong eskwelahan sa lungsod sa kanilang pagpapakita ng dedikasyon, inobasyon, at masugid na pagtatrabaho ng pagtuturo sa mga kabataan. James I. Catapusan