Mga exempted sa gun ban, dinagdagan pa ng Comelec

Mga exempted sa gun ban, dinagdagan pa ng Comelec

April 12, 2022 @ 11:30 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes, na ilang mataas na opisyal ng gobyerno ay exempted sa umiiral na gun ban.

Sinabi ni Comelec Chair Saidamen Pangarungan na maging ang kanilang mga security personnel ay papayagang magdala ng baril sa panahon ng gun ban na nagsimula noong Enero 9 at magtatapos sa Hunyo 8.

“We don’t want any senior government official to get injured or lose his life from an armed assailant simply because he cannot defend himself with his own firearm due to the gun ban,” anang opisyal sa isang press briefing.

Giit nito, ang mga opisyal na ito ay kailangang maging ligtas sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, malaya sa takot at panggigipit mula sa iba.

Maliban sa President at Vice President, exempted din sa gun ban ang Chief Justice, Senate at House of Representatives members, at lahat ng justices ng Supreme Court, Court of Appeals, Sandiganbayan, at Court of Tax Appeals.

Kasama rin sa listahan ng exemption ang lahat ng mga hukom ng rehiyonal, munisipyo, at metropolitan na mga trial court; ang Ombudsman, Deputy Ombudsman, at mga imbestigador at tagausig ng Opisina ng Ombudsman; ang prosecutor general, chief state prosecutor, state prosecutors, at prosecutors ng Department of Justice; at opisyalat ahente ng National Bureau of Investigation.

Ang mga cabinet secretary, undersecretary, at assistant Secretaries, lahat ng opisyal ng halalan, provincial election supervisor, at regional election directors ay may katulad na awtomatikong exemption.

Sinabi ni Pangarungan na ang pag-amyenda ay naglalayong mapabilis at pasimplehin ang pagbibigay ng exemptions sa pagbabawal sa pagdadala, pagtransport ng mga baril o iba pang nakamamatay na armas sa mga “karapatdapat” na aplikante.

Samantala, si Pangarungan ay pinahintulutan ng Comelec en banc na magdeklara ng mga lugar sa ilalim ng kontrol ng Komisyon,

“For example, there is a gun battle in Lanao del Sur. I don’t need to wait for another week to convene the Committee on the Ban of Firearms to declare it under Comelec control,” anang opisyal. Jocelyn Tabangcura-Domenden