Mga gimik sa pagpapabakuna marketing strategy – Roque, Abalos

Mga gimik sa pagpapabakuna marketing strategy – Roque, Abalos

May 31, 2021 @ 2:22 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Hindi panunuhol kundi bahagi ng marketing strategy ng Local Government Units (LGUs) ang bagong gimik ng mga ito para mahikayat ang kani-kanilang mga nasasakupan na magpabakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kabilang kasi sa kanya-kanyang gimik ng LGUs ay pa-raffle ng mga sako ng bigas, discount coupon sa mga restaurant, pati na ang bahay at lupa.

“Hindi naman ho panunuhol iyan. Iyan po ay marketing. Lahat naman po ng ating undertaking ay kinakailangan.. mayroong communication at mayroong marketing at kabahagi lamang po iyan ng kanilang overall marketing dahil alam naman natin na ang pagbabakuna ang solusyon sa pagtatapos talaga ng pandemiyang ito,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Para naman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur abalos Jr., bahagi ng “innovation at marketing” ang mga nabanggit na gimik ng LGUs mahikayat lamang ng mga ito ang kanilang mga nasasakupan na magpabakuna.

“Dahil sa totoo lang, maraming maga nakatatanda dahil sila po ay vulnerable sa lahat kaya’t sila’y dapat na proteksyunan. Baka iniisip nila.. may edad na sila, may sakit na sila. The best thing here is for them to be really informed na safe po ang bakuna. at based on the record, sinasabi ko po, ang bakuna ay very safe,” ani Abalos.

Kaya aniya sa mga nakikinig na lolo’t lola ay huwag na aniyang aksayahin ang pagkakataon dahil napakahirap aniya na kumuha ng bakuna sa buong mundo.

“Magpabakuna po tayong lahat,” ang panawagan ni Abalos.

Sinabi naman ni Sec. Roque na napakatindi kapag tinamaan ng covid kaya’t dapat na iwasan na magkaroon ng covid sa pamamagitan ng pagbabakuna sabay sabing “mask, hugas, iwas.”

Sa ulat, kanya-kanyang gimik ang mga lokal na pamahalaan upang mahikayat ang kani-kanilang mga nasasakupan na magpabakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ay sa harap pa rin ng mataas na vaccine hesitancy rate o ‘yung agam-agam ng publiko sa pagpapabakuna.

Dahil dito, ipinara-raffle ng munisipalidad ng Santa sa Ilocos Sur ang sako ng bigas, discount coupon sa mga restaurant, pati na ang bahay at lupa.

Ayon kay Mayor Jesus Bueno Jr., may alok silang pa-raffle na bahay at lupa para sa mga magpapabakuna kontra COVID-19.

Una rito, may pa-raffle din na isang sako ng bigas Barangay Sucat para sa 20 mga residente na magpapabakuna kontra COVID-19.

Habang may pa-raffle namang baka ang lokal na pamahalaan ng San Luis sa Pampanga para sa kanilang mga residente na magpapabakuna.

Batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), lumabas na tatlo sa bawat 10 mga Pilipino ang may agam-agam sa pagpapabakuna kontra COVID-19. Kris Jose