Mga grupong nangangako ng ayuda ibinabala ng DSWD

Mga grupong nangangako ng ayuda ibinabala ng DSWD

July 10, 2021 @ 10:15 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Nagbabala sa publiko ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa mga grupong nangangako ng ayuda ngayong pandemya.

Giit ng DSWD, huwag makipagtransaksyon sa private organizations partikular na sa Senior Citizen and Elderly Welfare Club of the Philippines Inc. (SCEW).

“Nais ipagbigay-alam ng DSWD na huwag maniwala sa anumang grupong nagsasabi o nangangako na makatatanggap ng tulong ang mga taong magiging miyembro nito, katulad ng SCEW, na ginagamit ang pangalan ng kagawaran upang makapanghikayat sa publiko na maging miyembro ng kanilang grupo,” lahad ng departamento sa Facebook post.

Sinabing hinihikayat ng SCEW ang kanilang mga miyembro na bumili ng Identification Cards at nangangakong may tulong pinansyal sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.

“Ang amin pong opisina ay may screening at verification na isinasagawa upang matukoy kung sino ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng programa,” lahad pa ng DSWD.

Dagdag pa rito, ang AICS financial assistance kasama na ang food at non-food items ay ibinibigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Crisis Intervention Unit (CIU) na nasa Central Office in Batasan Hills, Quezon City.

“CIU clients undergo assessment to avail of the needed assistance.”

Para sa mas maraming impormasyon tungkol sa AICS, inaabisuhan ang publiko na magtungo sa https://bit.ly/3ga3YmO. RNT/FGDC