Mga guro handa na sa 100% F2F classes sa Nobyembre

Mga guro handa na sa 100% F2F classes sa Nobyembre

July 6, 2022 @ 5:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakahanda ang mga guro na makilahok sa panukalang 100% face-to-face classes sa bansa sa Nobyembre, sinabi ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) chairperson Benjo Basas ngayong Miyerkules.

“I think ready na kami, actually ready na yung mga teachers namin. We’re waiting for this for the last more than two years,” ani Basas sa panayam sa CNN Philippines.

Pinakikita ng isang guro ang report card sa magulang ng isang estudyante. Kuha ni Danny Querubin

“Nandoon po tayo sa distance learning, ang ating mga anak ay nagdusa nang husto dahil sa distance learning setup na ito. Nakita naman po natin yung output nito, hindi maayos yung output,” aniya pa.

Sa kabila nito, sinabi ni Basas na dapat tiyakin ng gobyerno na hindi masikip ang mga silid-aralan at hindi mapuno ng trabaho ang mga guro bago ipatupad ang 100% face-to-face classes.

Noong Martes, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sinisikap ng Kagawaran ng Edukasyon na magsimula ng harapang klase sa ilang paaralan sa Setyembre bago magsagawa ng 100% in-person schooling sa Nobyembre.

Samantala, nanawagan si Basas sa gobyerno na itaas ang entry salary ng mga guro sa Salary Grade 15 at magbigay ng panibagong P10,000 na karagdagang sahod. Aniya, may mga nakabinbing bill sa pagtaas ng suweldo ng mga guro.

Maliban dito, sinabi ni Basas na dapat suriin ang K-12 program sa basic education para matukoy ang mga posibleng reporma at pagsasaayos na kailangan para mapabuti ang sistema. RNT