Mga guro i-exempt muna sa mandatory onsite work – Eleazar

Mga guro i-exempt muna sa mandatory onsite work – Eleazar

April 20, 2022 @ 1:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Umapela si senatorial candidate Guillermo Lorenzo Eleazar sa Department of Education (DepEd) at Civil Service Commission (CSC) na i-exempt muna ang mga guro sa sapilitang pagbalik sa mga paaralan na kanilang pinagtatrabahuhan.

Una dito, ang direktiba ng DepEd sa mga public school teacher na bumalik sa pinagtatrabahuhang paaralan ay ni-require ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

“The CSC and DepEd should reconsider their decision and instead conduct internet connection assessment first before forcing teachers to hold online classes in the schools,” ani Eleazar.

“Kung ito ay para sa face-to-face classes ay suportado natin ito pero kung online class din naman at hindi maayos ang internet sa school, what’s the point of forcing them report to school? Sayang lang ang oras, dagdag gastos at sakit ng ulo pa ito sa ating mga guro,” aniya pa.

Naglabas ng hinaing ang ilang guro sa sapilitang pagpapabalik dahil sila pawang mga nagtatrabaho sa paaralang may mahinang internet connection.

Sinabi naman ng isang opisyal ng DepEd na sumusunod lang sila sa direktiba ng CSC na pabalikin na sa mga opisina ang mga empleyado ng gobyerno.

Ayon kay Eleazar, kung nais ng pamahalaan na pabalikin ang mga guro sa mga paaralan ay dapat muna nitong lutasin ang matagal nang problema ng Pilipinas sa internet connectivity.

“Kung pupunta din lang naman sa mga paaralan para online classes, hindi ba mas logical na sa bahay nila gawin ito dahil kalimitan ay mas malakas pa ang signal sa bahay ng internet, which means na mas maayos na magagampanan nila ang tungkulin diun,” ani Eleazar.

Bukod dito aniya’y dapat konsultahin ng DepEd ang mga guro, sa pamamagitan marahil ng survey, para malaman kung sino ang mga nais nang bumalik sa paaralan at sino ang nais manatiling online ang klase.

“Iba-iba kasi ang sitwasyon sa bawat lugar. May mga paaralan na malakas ang signal ng internet at yung karamihan mabagal o wala. Meron din namang mga paaralan na sagot ang internet expenses kaya mas nakakatipid ang mga teachers,” ani Eleazar.

“Kaya ang solusyon dito ay alamin muna yung siwasyon sa ground  baka magkaroon ng mga desisyon na aakma at hindi magpapahirap sa sitwasyon ng ating mga guro,” aniya pa. Jan Sinocruz