Mga guro inihirit na gawing prayoridad sa booster shots, SRAs bago sumabak sa F2F

Mga guro inihirit na gawing prayoridad sa booster shots, SRAs bago sumabak sa F2F

December 13, 2021 @ 6:36 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ni Marikina Representative Stella Quimbo nitong Lunes ang gobyerno na gawing prayoridad ang mga guro para sa coronavirus disease (COVID-19) vaccine booster shots.

Sa kanyang privilege speech sa plenary session, binigyang-diin ni Quimbo, na isa ring guro, na mas mataas ang kinahaharap ng mga guro na sasabak sa  face-to-face classes.

“I will file a House resolution to urge the Department of Health to prioritize teachers for booster shots. This will add an extra layer of protection for teachers as they physically report in schools and teach face-to-face classes,” pahayag ni Quimbo.

“Nagawa na po nating kumbinsihin ang executive this year na itaas ang priority ng teachers sa vaccination. For sure, they will listen to our pleas to prioritize teachers for booster doses as well,” patuloy pa ng mambabatas.

Nitong Disyembre 3, sinimulan ng pamahalaan ang pagbabakuna ng booster shots sa lahat ng fully vaccinated adults.

Nanawagan din si Quimbo sa pagbibigay sa mga guro ng special risk allowances dahil isa sila sa mga humaharap sa banta ng COVID-19 sa pilot implementation ng face-to-face classes sa ilang paaralan.

Binigyang-diin sa House Resolution 2410 ni Quimbo ang kahalagahan na makatanggap ang mga guro ng SRAs dahil nakakahalubilo rin nila sa face-to-face classes ang unvaccinated population.

Inihain niya ang resolusyon nitong Lunes ng hapon.

“Malinaw po na may tsansang magka-COVID ang teacher in their line of work lalo na kung nagtuturo physically. It is reasonable for the teachers to be given special risk allowances to allow them to spend more for protective equipment and to compensate them should they get sick in the line of duty,” sabi ni Quimbo.

Hinikayat naman ng mambabatas ang Department of Education na humanap ng pondo para rito.

“The DepEd has stated that there is no budget allocated towards providing teachers additional risk allowances, despite the evident risk they will be exposed to upon teaching face-to-face classes,” giit ni Quimbo. RNT/SA