Mga guro sa BSKE 2023, kailangang magsakripisyo

Mga guro sa BSKE 2023, kailangang magsakripisyo

October 20, 2022 @ 7:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Dahil bumaba ang panukalang pondo ng Commission on Elections (Comelec) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 2023, ang mga guro ay kailangan muling magsakripisyo sa paglilingkod sa naturang halalan.

Ito ay matapos dumausdos sa P2.7 bilyon na lamang ang hinihingi ng Comelec para sa pagdaraos ng naturang halalan mula sa dating P10 bilyon, sa pagdinig sa 2023 budget ng komisyon kahapon.

Bunsod nito, imposible nang maibigay pa ng Comelec ang pagtataas sa honoraria sa P10,000, P9,000 at P6,000 at mananatili sa dating P6,000, P5,000, P4,000 at dagdag na P1,000 transportation allowance.

“We were able to reduce the amount that we will be needing for the barangay and SK elections. We will be needing P2.765 billion instead of the original P10 billion we proposed,” sabi ni Comelec Chairman George Garcia.

“Lahat ng BEI (Board of Election Inspectors) ay kulang 1 million, kung meron tayong 228,000 precincts times 3 kasama pa ibang maglilingkod sa barangay canvassers,” pahayag pa niya.

Gagawin na ring 600 botante ang assigned sa kada presinto, at mas maiksi ang voting hours na gagawing mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon dahil limitado ang budget. Jocelyn Tabangcura-Domenden