Mga guro sa City of Malabon University umaaray na sa ilang buwang ‘di pagsahod

Mga guro sa City of Malabon University umaaray na sa ilang buwang ‘di pagsahod

December 22, 2022 @ 8:50 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nananawagan ang ilang guro sa City of Malabon University (CMU) na i-release ang kanilang suweldo kasunod ng ilang buwan nang pagkaantala.

Humigit-kumulang 100 guro na binubuo ng full-time, part-time, at guest lecturer ang hindi pa nakasasahod para sa Hunyo sa unang semestre ng 2022, at ang kanilang suweldo para sa Oktubre at Nobyembre sa ikalawang semestre.

Sinabi ng mga instruktor na paulit-ulit nilang tinanong ang administrator ng paaralan tungkol sa kanilang mga suweldo sa isang group chat.

Sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Popoy de Vera na inalis ang unibersidad sa UniFast program ng gobyerno matapos itong mabigo sa pagsunod sa mga kinakailangan sa kabila ng pagbibigay ng sapat na panahon para iproseso ang mga ito.

Sinabi ni De Vera na sa pagkakatanggal, ang pamahalaang lungsod ng Malabon ang naatasang tustusan ang mga gastusin nito kasama na ang sahod ng mga guro.

Isang press release noong Oktubre ang nagpahiwatig na iniimbestigahan na ni Mayor Jeannie Sandoval ang isyu. RNT