Mga gurong sugatan sa Bataan bus crash bumalik sa ospital

Mga gurong sugatan sa Bataan bus crash bumalik sa ospital

November 7, 2022 @ 7:00 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Ilang mga guro na nagtamo ng sugat nang mahulog ang sinasakyang bus sa bangin sa Orani, Bataan nitong Sabado ang bumalik sa mga ospital dahil sa sakit, ayon sa Quezon City Public School Teachers Association (QC-PSTA).

“Ang ilan po ay normal naman ngunit ngayon ay nararamdaman na ng mga guro na nakaligtas ‘yung pananakit ng kanilang katawan at pamamaga ng ilang bahagi ng kanilang katawan kaya ang ilan ay babalik sa QC General Hospital upang ipatingin ito,” ani QCPSTA president Kris Navales.

Bagama;t pinasalamatan ng QC-PSTA ang agarang aksyon at tulong ng Quezon City government at ng Department of Education QC, hiniling ni Navales sa mga ahensya na tulungan ang mga biktima hanggang sa tuluyan silang gumaling.

“Panawagan lang naming sa mga awtoridad na tulungan pa sa iba pang mga pangangailangan ang mga nasangkot na guro sa insidente hanggang sa maka-recover sila,” aniya.

Naganap ang insidente bandang alas-11:30 ng umaga nitong Lunes, nang dumaan ang DepEd QC bus na may 48 pasahero sa “very sharp curve, lost its brakes and plunged into a 15-meter ravine,” ayon sa Schools Division Office of Quezon City.

Kabilang sa mga pasahero ang Quezon City public elementary at secondary school teachers mula sa Sinagtala Resort sa Orani, Bataan para sa isang Gender and Development activity.

Isa sa mga pasahero na kinilalang si Payatas B Elementary School teacher Janice Pontillas, ang idineklarang dead on arrival sa Orani District Hospital.

Nauna nang sinabi ni Orani, Bataan Police chief Police Major Larry Valencia na nawalan ng preso ang bus, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver sa sasakyang minamaneho.

Idinagdag ni  Valencia na hindi accident-prone ang lugar na pinangyarihan ng insidente, at binanggit na ayon sa mga psahero, sakto lamang ang bilis ng pagpapatakbo ng driver sa sasakyan.

Samantala, sinabi pa ng police officer na posibleng kasuhan ang bus driver ng reckless imprudence resulting in homicide.

“Hinihintay na ang po natin ‘yung mga representative doon sa school. Possible na makaharap na kaso nitong driver is reckless imprudence resulting [in] homicide.”

Hinihintay din ng mga guro ang opisyal na resulta ng imbestigasyon bago umaksyon.

Inihayag din ni Valencia na pinalaya ang bus driver mula sa detention matapos magdesisyon ng pamilya ni Pontillas na pag-uusapan muna itong mabuti.

Samantala, inaasahang uuwi ang asawa ni Pontillas na nagtatrabaho sa Taiwan. RNT/SA