Mga hamon, aksyon, ilalatag ni VP Sara sa education report

Mga hamon, aksyon, ilalatag ni VP Sara sa education report

January 14, 2023 @ 1:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Ipiprisenta ni Vice President at Education secretary Sara Duterte sa publiko ang mga hamon at target action plan para sa Basic Education Report (BER) sa Jan. 30, ayon sa Department of Education (DepEd).

Binigyang-diin ni DepEd spokesperson Michael Poa na layunin ng presentasyon ng education chief na magkaroon ng transparency at inclusivity para sa stakeholders sa lahat ng sektor, partikular sa paglalahad ng estado ng edukasyon sa Pilipinas.

“Ang daming challenges ng basic education. Iisa-isahin natin. Ilalahad natin kung ano po yung challenges ng basic education. Aside from that, syempre nalatag natin yung challenges, ang department ay maglalatag ng mga plans and initiatives,” aniya.

Nagbigay din ang DepEd ng mga posibleng paksa na maaaring talakayin sa BER, kabilang ang mga hamon sa learning loss at curriculum.

“We have problems with school facilities, we have problems with our curriculum which we are currently reviewing… nasasabi na nga yung literacy sa atin, we all know about the learning poverty report that the World Bank has issued. These are the things that we are aware of,” pahayag niya.

Inaasahan ding mapag-uusapan ang tungkol sa child protection at kapakanan ng mga guro.

Nauna nang inanunsyo ng DepEd na ipiprisenta ang BER sa January 30. RNT/SA