Mga imbentong gamot o health products, kailangang irehistro sa FDA

Mga imbentong gamot o health products, kailangang irehistro sa FDA

August 3, 2018 @ 4:53 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Kailangan munang irehistro ang mga naimbentong herbal health products sa Food and Drugs Administration (FDA) bago ibenta sa publiko.

Ito ang panawagan ni Ret. Police Gen. Allen B. Bantolo, ang pinuno ng FDA Regulatory Enforcement Unit sa lahat ng mga doctor at practitioner ng alternative medicines.

Tiniyak naman ni Bantolo na hindi magiging hadlang ang ahensiya sa mga alternatibong medisina kundi palalakasin pa nila ang pagsasaliksik at paglikha ng mga herbal medicines  para sa iba’t ibang uri ng karamdaman kasama na rito ang cancer.

Layon lamang aniya ng kautusan na makatiyak na ligtas, mataas ang kuwalidad at bisa ng mga produkto.

Ang pahayag ay ginawa ni Bantolo kasunod nang isinagawang pagsalakay  sa Dr. Farrah Bunch Natural Medical Center sa Victoria, Tarlac kung saan nasamsam ang P800,000  na halaga ng mga hindi rehistradong health products  na ipinagbibili sa mga kliyente ng klinika. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)