Mga iskolar ng DAR nagtapos sa Benguet State University

Mga iskolar ng DAR nagtapos sa Benguet State University

July 15, 2022 @ 7:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ipinagmalaki ng Department of Agrarian Reform (DAR) na apat na mga anak ng agrarian reform beneficiary (ARB) ang nagtapos kamakailan sa Benguet State University (BSU) sa tulong ng scholarship program na pinondohan ng DAR sa naturang lugar.

Tinaguriang DAR Scholarship Program for the Dependents of Agrarian Reform Beneficiaries (DAR SP-DARB), ang scholarship ay nagbibigay ng pinansyal na suporta sa mga kwalipikadong dependent ng ARBs upang magkaroon sila ng pagkakataong makapag-aral at makapagtapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo na may kaugnayan sa agrikultura mula sa anumang mga state university at colleges.

Ayon sa DAR kabilang sa mga iskolar ng Benguet ay sina Riwa Agsawal, Joyce Faith Lagadeo at Meriam Lumyaen na pawang nagtapos ng Bachelor of Science in Agribusiness (BSAB), at Kaizer Sudaypan na nagtapos ng BS in Agriculture.

Si Agsawal, na ginawaran ng Academic Achiever Award mula sa kanyang kursong BSAB, ay nagpasalamat sa DAR para sa scholarship program dahil nakatulong ito sa kanyang pamilya sa mga gastusin niya sa pag-aaral.

“Nakatulong ang scholarship program sa aming mga magulang na mapag-aral kami sa kolehiyo at sinuklian namin ito ng lahat ng aming makakaya upang makatapos kami sa aming mga kurso,” aniya.

Ang DAR SP-DARB ay bukas sa mga kamag-anak ng mga ARB tulad ng mga anak, apo, at pamangkin na kinakailangang kumuha ng anumang apat na taong kursong may kaugnayan sa agrikultura. Ang mga kwalipikadong iskolar ay dapat kabilang sa isang pamilya na may kinikitang hindi lalagpas sa P100,000 kada taon.

Kaugnay nito, iginawad ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II Jane Toribio ang mga certificate of recognition ang mga iskolar ng DAR sa Mountain Province.

“Umaasa kami na gugunitain ninyo ang biyayang ito na tinanggap ninyo habang kayo ay nabubuhay dahil ito ay testimoniya na ang pamahalaan ay lumalapit sa inyo at sa inyong pamilya. Pagpalain nawa ang lahat ng tumulong sa inyo upang mapagtagumpayan ninyo ang inyong pag-aaral,” aniya. Santi Celario