Mga kaalyado, takot silang lahat – Zelenzky ng Ukraine

Mga kaalyado, takot silang lahat – Zelenzky ng Ukraine

February 25, 2022 @ 11:25 AM 4 months ago


KYIV – Panay ang labas ng hinanakit ngayon ni Ukraine President Volodymyr Zelensky sa kawalan ng dumarating na tulong para sa kanyang bansa mula sa mga kaalyado nito gaya ng United States, United Kingdom, European Union at North Atlantic Treaty Organization kaugnay ng paglusob ng Russia sa kanyang bansa.

Habang nasa Kyiv na kapital ng nasabing bansa, naglabas si Zelensky ng kanyang mga hinanakit sa mga pahayag na “Sino ang handang lumaban kasama natin? Wala akong nakikita kahit isa. Sino ang handang magbigay ng garantiya para maging miyembro ang Ukraine ng NATO? Lahat sila takot.”

Nauna rito, nagpadala ng mga armas ang US at UK sa Ukraine na magagamit nila laban sa mga pwersa ng Russia, kasama ang ilang trainer sa paggamit ng mga armas, subalit wala ni isa sa mga ito ang nagpadala ng sundalo para lumaban sa Russia.

Idinadahilan ng US, UK at mga bansang EU na hindi pa kasapi ang Ukraine ng EU at NATO.

Hanggang ngayon na ikalawang araw ng paglusob ng Russia, wala pa ring makita kahit isang military jet mula sa 100 fighter at bomber na ipinangako ng NATO para guwardiyahan ang pangkalawakang teritoryo ng Ukraine.

Kaugnay nito, sinasabi ng Russia na paralisado na ang buong pwersang panghimpapawid ng Ukraine makaraang ang sabay-sabay na atakehin ang mga ito sa pamamagitan ng missile, kanyon, bomba, bomber at helikopter ng Russia.

Kasama sa mga umano’y nasira ang mga radar, eroplano, cyber system, komunikasyon at elektrisidad sa mga ito. Fred Cabalbag