Mga kababaihan mamumuno sa regional bodies sa Mindanao

Mga kababaihan mamumuno sa regional bodies sa Mindanao

October 23, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


CAGAYAN DE ORO CITY- Sa unang pagkakataon, mamumuno ang isang babae sa regional development council (RDC) ng Northern Mindanao matapos italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Lanao del Norte Gov. Imelda Dimaporo bikang chair ng body.

Ang RDC ang pinakamataas na policy making body sa lahat ng rehiyon.

Itinalaga rin si Engr. Elpidio M. Paras, presidente ng Promote NorMin Foundation, Inc., bilang co-chair ni Dimaporo.

Si Dimaporo ay isang beteranong lokal na opisyal. Bukod sa gubernatorial seat, siya rin ang kinatawan ng Lanao del Norte sa Kamara.

Sa Davao region, isa pang babae na si Davao Oriental Gov. Corazon Malanyaon ang magiging RDC chair, habang si Arturo Milan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry ang kanyang co-chair.

Kagaya ni Dimaporo, nanumbalik din si Malanyaon sa kanyang dating pwesto. Bago ito, siya ang kinatawan ng Davao Oriental sa Kamara.

Isa pang babae, si Cotabato Gov. Lala Mendoza, ang magiging chair ng RDC sa Soccsksargen region kasama si Richlie Lyndon Magtulis, ng Conrado & Ladislawa Alcantara Foundation, Inc., bilang co-chair.

Si Mendoza ay gobernador mula 2010 hanggang 2019, at naging vice governor mula 2019 hanggang 2022.

Ang RDC sa Zamboanga Peninsula ay pamumunuan ni Zamboanga City Mayor John Dalipe. Ayon sa pahayag ng City Hall, si Dalipe ang magiging unang chief executive mula sa lungsod na mamumuno sa regional body kasunod ni dating mayor Maria Clara Lobregat.

Ang RDC chair at co-chair ay pinipili ng Pangulo mula sa list of nominees mula sa mga miyembro ng body. RNT/SA