Mga kababaihang may malaking ambag sa komunidad pararangalan ng Manila LGU

Mga kababaihang may malaking ambag sa komunidad pararangalan ng Manila LGU

February 27, 2023 @ 7:56 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Bilang pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong papasok ang buwan ng Marso, bibigyang parangal ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang lahat ng mga nai-ambag ng bawa’t kababaihan.

Ito ang inihayag ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan sa regular na seremonya ng pagpupugay sa watawat, Lunes ng umaga, kung saan nararapat lamang umano na parangalan ang mga kababaihan dahil kung wala aniya ang mga ito, wala rin silang lahat dito sa mundo, dahil ang pinakamalaking nagawa ng isang kababaihan ay magsilang ng sanggol.

Nauna rito, sinabi ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Maria Asuncion “Re” Fugoso, na siyang naatasang maging punong abala at tagapagpakilala sa alkalde, na magiging higit na makasaysayan ang buwan ng kababaihan sa Lungsod ng Maynila dahil sa unang pagkakataon ay pinamumunuan ang lungsod ng kauna-unahang babaing alkalde.

Aniya, nagpapatunay lamang ito na ang Maynila, na kapitolyo ng bansa, ay may mataas na pagtingin sa kakayahan ng mga kababaihan at may malaking ambag sa kamulatan at paglaban sa anumang uri ng diskriminasyon sa lipunan.

Inilatag din nito ang mga aktibidad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pagdiriwang ng National Women’s Month na inihanda ng Gender and Development Technical Working Group, kasama ang lahat ng mga departamento ng lokal na pamahalaan.

Kabilang na dito ang sayaw laban sa Violence Against Women (VAW) na gaganapin sa Marso 8, pagkakaroon ng pagpupulong tuwing araw ng Lunes ng buwan ng Marso na may kaugnayan sa karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata na pangungunahan ng Manila Barangay Bureau, libreng medical check-up sa mga kababaihan tulad ng pap smear, breast examination, at natal check-up sa mga babaing nabuntis ng maaga tuwing Miyerkules ng buong buwan ng Marso sa ilalim ng pamamahala ng Manila Health Department (MHD).

Magkakaloob naman ang City Legal Office ng free legal assistance sa mga kasong may kaugnayan sa karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata habang magkakaroon naman ng priority lane para sa mga kababaihang empleyado na magnanais mag-apply o mag-renew ng kanilang pasaporte tuwing araw ng Sabado sa pakikipagtulungan ng Department of Foreign Affairs at ng SM Manila. JAY Reyes