Mga kabataan nagrambulan, isa patay!

Mga kabataan nagrambulan, isa patay!

November 30, 2022 @ 6:57 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang binatilyo habang sugatan ang kanyang kapatid at pinsan matapos masaksak sa naganap na rambulan sa harap ng paaralan sa Quezon City.

Kinilala ang namatay na si Samuel De Villa Aguila, 18 anyos, kahero, at residente ng   Zamboanga St., Pael Compound, Brgy. Culiat, Q.C.,  habang sugatan naman ang kapatid niyang si Jimuel De Villa Aguila, 16, pinsan na si Jayven De Villa Mavatangay, 24, nakatira sa Brgy. Old Capitol Site, Q.C.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang apat na persons-of-interest Child in Conflict with the Law  (CICL) at ang mga ito ay nasa edad 15,  grade 10;  14,  grade 8;  17,  grade 11, at  17,  grade 10 student.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang  6:50 ng gabi (November 29), nang maganap ang rambulan sa  Misamis Arcade, SM North EDSA, Misamis Road corner EDSA, Brgy. Sto. Cristo, Bago Bantay, sa lungsod.

Sa imbestigasyon nina  PSSg Rhic Roldan Pittong, PSMS Eldin Dino at PCpl Ramon Kristopher Derit, bago nagkaroon ng rambulan ay  kasama ng biktima ang kapatid at pinsan at isa pang kaanak sa harap ng San Francisco High School malapit sa SM North.

Sinabing kakausapin lang sana ng pinsan ng 14-anyos na babae ang kasamahan ng mga biktima, pero bigla na lang daw umatake at nambugbog ang mga biktimang nasaksak.

Nabatid na ang pinag-ugatan ng gulo ay ilang beses na raw na binu-bully ng kasamahan ng mga biktima ang 14-anyos na babae.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung sino ang sumaksak sa mga biktima at hindi pa rin nabawi ang patalim na ginamit

Naisugod pa sa Quezon City General Hospital ang biktima ngunit binawian ng buhay ang isa kanila habang nilalapatan pa ng lunas ang dalawa pa.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa naganap na inisidente at inaalam ng mga ito kung sino ang responsable sa pananaksak. Jan Sinocruz