Mga kahon ng balota, election paraphernalia nakatambak sa bakanteng lote sa Kabite

Mga kahon ng balota, election paraphernalia nakatambak sa bakanteng lote sa Kabite

May 22, 2022 @ 9:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Natagpuan sa isang bakanteng lote sa Amadeo, Cavite ang mga kahon na naglalaman ng official ballots, election paraphernalia, at voting receipts.

Batay sa larawan mula kay Rodne Galicha, makikita ang mga kahon na nakatambak sa lote, batay sa ulat nitong Sabado.

Isa sa mga kahon ang naglalaman ng voter verifiable paper audit trail, o ang resibo kung saan makikita kung sinong kandidato ang binoto, maging envelopes para sa election returns.

Makikita sa label sa ang address na Brgy. 51, City of Manila First District, Jose Rizal Elementary School sa Tayuman Pingkian Street polling center sa Tondo, Manila, at ang number ng clustered precincts.

Ayon kay Galicha, kuha ang mga larawan matapos ang eleksyon na ipinasa lamang sa kanya ng kakilala. Hindi naman naaalala umano ng nagpasa sa kanya ang petsa kung kailan kinuha ang larawan.

“Nag-stay sila sa isang lugar doon katabi ng bakanteng lote. Nakita nila na mayroong nakatambak na black boxes doon sa may puno sa may bakanteng lote. Sila ay na-curious at pinuntahan nila, at dahil pamilyar ang hitsura ng black boxes at na-confirm nila at nakunan ng footages, ng pictures,” pagbabahagi ni Galicha.

Makikita rin sa larawan ang truck na umano’y nagdala sa mga kahon.

Inihayag naman ni Commission on Elections (Comelec) acting spokesperson John Rex Laudiangco na inatasan na ng poll body ang regional election directors ng Region IV-A at NCR, at ng provincial election supervisor ng Cavite na imbestigahan ito.

“‘Yun pong ballot box na kung saan nandoon ‘yung mga balota na na-accomplish ng mga botante at ‘yung hinati po ‘yung pinilas na mga balota, lahat po ito ay ibabalik ng teachers. Sila po dapat ang may custody nito,” sabi ni Laudiangco.

“Kaya nga po tinitingnan namin ‘yung anggulo na saan nanggaling ito, bakit nagkaroon ng ganiyan. Ang tanging obligasyon naman po ng aming logistics provider… ang kinuha naman po nila, ‘yung makina. ‘Yun lang po ang ibabalik sa amin sa Sta. Rosa, Laguna,” dagdag niya.

Siniguro naman ng Comelec na kakasuhan ang sinumang responsable pagtatapon ng election documents sakaling mapatunayang nagkasala. RNT/SA