Mga kalsada maagang isasara para sa Kapistahan ng Nazareno

Mga kalsada maagang isasara para sa Kapistahan ng Nazareno

January 3, 2023 @ 1:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Maagang isasara ang mga kalsada na patungong Quirino Grandstand at Simbahan ng Quiapo ng Manila Police District (MPD) Traffic Enforcement Unit kaugnay pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Poong Nazareno.

Sa abiso ng MPD Traffic Enforcement Unit, mula alas-10 ng gabi ng Enero 6, 2023 ay sarado ang kahabaan ng Katigbak Drive, South Drive, Independence Road gayundin ang Northbound at Southbound lane ng Roxas Blvd mula South Drive hanggang Katigbak Drive.

Ito’y para bigyang-daan ang ilang mga aktibidad na gagawin sa kapistahan ng itim na Nazareno sa Quirino Grandstand.

Mula alas-12:01 ng hatinggabi sa Enero 8, isasara na ang ilang kalsada sa paligid ng Quiapo Church, partikular sa North at Southbound Lane ng Quezon Blvd. mula A. Mendoza Fugoso hanggang Quezon Bridge deretso sa P. Burgos.

Isasara din ang West at Eastbound lane ng España Blvd. mula P. Campa hanggang A. Mendoza.

Gayundin, isasara ang kahabaan ng Evangelista Street mula Plaza San Juan hanggang C.M. Recto Avenue; kahabaan ng Raon Street mula Evangelista hanggang Quezon Blvd.

Sarado rin ang kahabaan ng P. Paterno Street mula Quezon Blvd. hanggang Evangelista kasama ang Carriedo Street mula Rizal Avenue hanggang Plaza San Juan, kahabaan ng C. Palanca Street mula Mc Arthur Bridge hanggang ilalim ng Quiapo (Quinta Market) patungong P. Casal.

Kasama ring isasara sa motorista ang kahabaan ng Bustos Street mula Plaza Sta. Cruz hanggang Rizal Avenue, Northbound lane ng Rizal Avenue mula Carriedo hanggang C.M. Recto Avenue at Northbound lane mg Mc Arthur Bridge.

Samantala, kasado na ang buong organizer ng pista ng itim na Poong Nazareno o Nazareno 2023.

Sa press conference na dinaluhan ni Manila Mayor Honey Lacuna, MPD, BFP, DOH, MMDA, AFP at iba pang ahensya ng gobyerno at ng ilang opisyal ng Quiapo church, inilatag ang ilang mga panuntunan sa naturang aktibidad.

Ayon kay Nazareno adviser Alex Irasga, tuloy ang pagdiriwang bagama’t wala na ang tradisyunal na “Traslacion” ay magkakaroon naman ng “Walk of Faith”.

Ang ruta ng Walk of Faith ay magsisimula ng ala-1 ng madaling araw sa January 8, sa Quirino Grandstand patungong simbahan ng Quiapo.

Ang prusisyon ay inaasahang tatagal ng mahigit dalawang oras.

Para naman sa mga dadalo ng misa, pinapayagan na ang full seating at standing capacity sa loob ng simbahan.

Pinapayagan rin ang pagsusuot ng tsinelas at sapatos ng mga deboto, pagdala ng mga maliliit na replika ng imahen, wheel chair, maliliit na camera, portable chair at flashlight, at transparent na kapote.

Pinayuhan naman ang mga deboto na huwag nang magdala ng malalaking replika, banners, drone at professional camera, selfie stick, matatalas na bagay, pyrotechnic devices, tents at picnic items, at malalaking bag dahil ito ay ipinagbabawal.

Ayon kay Irasga, ang MPD lamang ang maaring magpalipad ng drone.

Pinayuhan na rin ang mga deboto na magdala ng snacks at water canister ngunit tiyakin na hindi magkakalat ng basura.

Ang mga may sakit o sintomas ng COVID-19 ay pinayuhan na rin na huwag ng dumalo pa sa aktibidad at sa bahay nalang mamalagi upang hindi na makapanghawa pa ng ibang deboto.

Samantala, inihahanda na rin ang bahagi ng Quirino Grandstand para sa mga inilatag na aktibidad kaugnay sa Nazareno 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden