Mga kandidatong naghain na ng SOCE, 4 pa lang – Comelec

Mga kandidatong naghain na ng SOCE, 4 pa lang – Comelec

May 31, 2022 @ 7:25 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Apat pa lang mula sa 260 national candidates ang nakapagsumite ng kanilang Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, kabilang sa maaagang naghain ng listahan ng naging gastos sa kampanya ay si senatorial candidate at dating PNP chief Guillermo Eleazar, gayundin ang Abono, Senior Citizens, at Bisaya Gyud party-list group.

Gayunman, hindi pa available sa media ang kopya ng kanilang SOCE.

Nagpaalala naman muli ang poll body na kasama ang mga political party sa dapat na magsumite ng ulat sa Campaign Finance Office ng Comelec hanggang June 8, o 30 araw pagkatapos ng botohan, gayundin ang mga hindi nanalo sa halalan.

Sa pamamagitan ng SOCE ay matutukoy ng Comelec kung nakasunod ang mga kandidato sa itinakdang limit sa paggasta para sa eleksyon at kung tumanggap sila ng foreigners donated campaign funds at kung may mga cash o in-kind mula sa ipinagbabawal na industriya gaya ng public utilities at mga bangko.

Lahat ng ito ay dapat na detalyadong nakalista sa kanilang SOCE.

Ibe-verify naman ito ng Comelec sa pamamagitan ng advertising reports na isinumite ng media companies habang ang mga resibo ay ipabeberipika sa Bureau of Internal Revenue o kanilang source agency.

“We can always investigate and secure documents from other sources,” anang Commissioner George Garcia.

Samantala, hindi na magbibigay pa ng extension ang Comelec para sa deadline ng paghahain ng SOCE.

Ang mga nanalong kandidato na mabibigong magsumite ay hindi makakaupo sa puwesto habang maaari namang madiskwalipika kapag napatunayang siya ay nag-overspend.

Maaari rin silang maharap sa kasong amdinistratibo at pagmultahin ng ₱1,000 hanggang ₱30,000.

Kung dalawang beses nang hindi nagsusumite ng SOCE, perpetual disqualification na ang kanilang kakaharapin kung saan hindi na sila papayagan pang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno. RNT/ JCM