Mga kapitan, kagawad at problema

Mga kapitan, kagawad at problema

July 4, 2018 @ 7:23 PM 5 years ago


Halo-halo ang mga problemang kinahaharap ng mga kapitan ng barangay at kanilang mga kagawad at mga chairman ng Sangguniang Kabataan at kanilang mga kagawad.

Kung ano-ano ang mga problema ng buong bayan, problema rin nila.

Sa laki ng pwersa nila sa lipunan, ano-ano ba ang kanilang maitutulong para sa pagbabago at pag-unlad ng ating lipunang Filipino at ng buong bayan?

KINOKORAP NG PROYEKTO

May isang bayan na masipag magpaproyekto para sa mga barangay gaya ng barangay road.

Kasama sa mga proyekto ang badyet para sa labor.

Subalit sa paggawa ng mga proyekto, kinakatkong ang badyet para sa labor sa ngalan ng bayanihan.

Dahil para sa kanilang kapakinabangan at wala silang kaalam-alam sa iskam sa labor na napupunta sa bulsa ng mga taga-munisipyo, go lang ang mga taong barangay bilang volunteer sa trabaho, tubig, pagkain at gamit sa paggawa.

Tantiyado rin ng mga taga-munisipyo ang halaga ng materyales sa paggawa gaya ng mga buhangin, bato at semento na hanggang kalahati o ¾ lang ang magagawa at ang matitira ang siyang kita ng mga kapitan at kagawad nila.

Mga korapsyon ito na maliwanag.

Ano-ano ang mga gagawin ng mga kapitan at chairman at mga kagawad nila?

PAGSASAKA AT GUTOM

Malaganap ang gutom ngayon sa mga manggagawang bukid na walang inaasahan kundi ang mabuhay sa pagbebenta ng pawis sa mga sakahan.

Inaagaw na ang kanilang kabuhayan ng mga makinarya gaya ng mga reaper na kayang umani ng palay sa 5-6 ektarya sa loob ng isang araw nang tatlo-apat lamang ang kinakailangang tauhan.

Sa reaper, nawawa­lan ng trabaho ang may 8-10 maggagapas na kayang gapasin ang isang ektaryang palay at giikin ang ginapas sa ikalawang araw.

Ang may-ari at mga operator ng makina at tatlong tauhan lang nito ang nabubuhay sa reaper habang nawawalan ng ikabubuhay ang nasa 50-60 kataong manggagawang bukid.

Ano-ano ang mga gagawin ng mga kapitan at chairman ng SK at mga kagawad nila?

GUTOM SA LANSANGAN

Sa mga mauunlad na lugar, maraming nabubuhay bilang jeepney driver.

Subalit sa pag-iistrikto ng pamahalaan para sa modernisasyon sa pampublikong transportasyon, marami na ang nawawalan ng biyahe.

Naririyan din ang patakaran ng mga munisipyo na kontrolin ang trapik sa pamamagitan panghuhuli at pinaaabot ang pagbabalik ng lisensya sa ikatlong araw.

Para sa mga kabit-kabit na munisipyo na sakop ng prangkisa na may patakarang ganito, nauubos ang kita ng mga tsuper sa katutubos ng kanilang mga lisensya na napakamamahal na rin ang multa.

Walang pakialam ang mga munisipyo kung moderno o luma ang mga jeepney, lalo’t iniaasa rin ng mga ito sa multa sa huli ang sahod ng mga traffic enforcer.

Ano-ano ang mga gagawin ng mga kapitan, chairman ng SK at mga kagawad nila sa gutom ng mga tsuper at pagkalugi at gutom din ng mga operator ng jeepney?

NO DEROGATORY RECORD

May mga druglord na opisyal ng gobyerno o kamag-anak ng mga ito na druglord subalit “no derogatory record” ang clearance ng mga ito mula sa pulisya at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan.

Subalit alam na alam ang katotohanan ng mga kapitan, SK chairman at mga kagawan nila.

At patuloy na nanalasa o nagpapakasa ang mga druglord na ito sa mga taga-barangay at kabataan.

Ano-ano ang mga gagawain ng mga opisyal ng barangay at kabataan dito?

BUHAY NA DINASTIYA

Maraming nanalong kapitan, barangay kagawad, SK chairman at miyembro ng SK council sa basbas ng mga mayor, gobernador at kongresman.

Ang mga mayor, gobernador at kongresman ang gumastos para sa mga ito nitong nakaraang halalang pambarangay at SK elections.

Kaya naman, sa kanilang pagsusumite ng kanilang gastos sa Commission on Elections, makikitang sumunod ang mga kandidatong nanalo sa tamang gastos sa halalan.

Walang lumabis ang gastos at sa halip, pawang katamtaman o walang ginastos ang mga nanalo.

Nakasanla ang kaluluwa ng mga nanalo sa barangay-SK elections sa mga nakatataas na politiko kahit pa labag ito sa non-partisan politics ng patakaran.

Ano-ano ang gaga­win ng mga bagong kapitan, barangay kagawad, SK chairman at konseho ng mga ito sa matinding dinastiyang pulitikal?

PUNO ANG KAMAY

Sa ibang salita, puno ang kamay ng mga kapitan, barangay kagawad, SK chairman at mga kagawad din ng mga ito ng sari-saring problema sa gutom, korapsyon, droga, dinastiya at iba pa.

Paano makakikilos ang mga ito nang naaayon sa kanilang mandato bilang mga ama at ina ng mga mamamayan sa barangay at kabataan? – ULTIMATUM ni Benny antiporda