MGA KASO NG “ANEURYSM” HINDI NAIUULAT NANG TAMA-DOH

MGA KASO NG “ANEURYSM” HINDI NAIUULAT NANG TAMA-DOH

December 13, 2022 @ 12:35 AM 2 months ago


KAUGNAY sa biglang pagkamatay ng singer na si Jovit Baldovino nitong December 9, naging maingay na usapin ang aneurysm na siyang sanhi ng pagkamatay ng mang-aawit.

Inamin ng Department of Health na hindi lahat ng kaso ng aneurysm ay naiuulat sa mga pagamutan at hindi ito maayos na naidodokumento.

Paliwanag ng Kagawaran, dahil madalas ay nasa late stage na nito ang pasyente bago pa madala sa ospital, hindi na nagagawa pa ang tamang scanning procedure kaya ipinagpapalagay na lamang bilang cerebrovascular accident katulad ng stroke ang nangyari.                     

Kinumpirma rin ng DOH na tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng aneurysm at dumarami ang kaso sa mga teenager hanggang generation X katulad ni Jovit Baldovino na 29 years old pa lamang nang masawi.

Ang aneurysm ay isang kondisyon kung saan ay humihina ang arteries o mga daluyan ng dugo mula sa puso patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng isang tao. Maaari itong mangyari hindi lamang sa utak kundi maging sa abdomen, sa puso o sa mga hita.

Pero karaniwan itong umaatake sa utak na nagdudulot ng matinding sakit sa ulo, pagkahilo at pagkawala ng malay.

Sintomas din ang matinding pananakit ng sikmura, dibdib at ng mga hita kung ito ang apektadong bahagi.

Sinasabing sanhi ito ng hereditary illnesses na nagapapahina sa arteries na lalong pinalalala ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Payo ng DOH sa mga taong may family history ng hypertension, may unhealthy lifestyle, malakas manigarilyo at uminom, regular na maagpatingin sa doktor para maagapan ang pagtama sa inyo ng aneurysm.

Maaari ring magpunta sa mga health center o rural health units sa inyong lugar dahil kayang-kayang malabanan ang aneurysm ng tamang pag-inom ng gamot at disiplina.

Ayon sa ulat, nakaranas si Baldovino ng mild stroke noong November 22, bagamat pinagpapahinga ng mga doktor, nagtungo siya sa isang party noong December 3 sa Batangas at nagpaunlak ng mga awitin. Halata na umano ang hirap sa paghinga ng binata habang kumakanta at matapos ang ikatlong kanta, tuluyan nang bumigay ang singer at itinakbo sa ospital. Limang araw pa siyang na-comatose hanggang sa bawian ng buhay nito lamang nagdaang Biyernes. 

Nagluluksa ang buong entertainment industry sa pagpanaw ng mang-aawit na nag-kampeon sa “Pilipinas Got Talent” ng dating ABS-CBN noong taong 2010.