Mga kaso vs De Lima nirerebyu ng DOJ

Mga kaso vs De Lima nirerebyu ng DOJ

June 3, 2022 @ 3:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Justice nitong Biyernes na nire-rebyu nito ang narcotics charges laban sa nakadetineng si Senator Leila de Lima matapos bawiin ng ilang mga saksi ang kanilang alegasyon laban sa kanya.

“Yang mga ebidensya sa mga kaso ay lagi naman yang nire-review periodically ng Department of Justice depende kung ano ang nangyayari sa proseso ng trial nung kaso sa mga korte. Kaya yung sa kaso ni Senator De Lima ganoon din ang ginagawa namin (maski) may retraction or pagbawi ng mga statements or not,” ani Justice Secretary Menardo Guevarra.

“Kaya lamang, siyempre yung mga retractions na yan kailangan i-present yan sa court. Hindi naman sa media dapat pine-present lamang yan,” dagdag niya.

Ani Guevarra, kinakailangang sumailalim sa cross examination sa korte ng mga saksi.

“Kasi sa ngayon, hindi naman natin masasabi kung alin ang totoo, at alin ba ang totoo–yun bang unang sinabi, o yung pagbawi? Kaya ‘yon ay dapat na idaan sa masusing examination,” paliwanag ni Guevarra.

“Ang Department of Justice naman ay nakahanda na tanggapin kung ano ang talagang lilitaw na katotohanan.”

Matatandaang binawi nina self-confessed drug lord Kerwin Espinosa, former Bureau of Corrections OIC Rafael Ragos, Ronnie Dayan,Joel Capones, at Marcelo Adorco ang kanilang mga pahayag laban kay De Lima.

Nakadetine ang dating justice secretary at human rights commissioner na si De Lima hmula pa noong 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot sa drug syndicates, na tinawag niyang “political persecution” ni Pangulong Duterte. 

Isa sa tatlong drug cases laban sa kanya ang ibinasura noong Pebrero 2021. RNT/SA