Mga kaso vs Tinang farmers ibinasura ng korte

Mga kaso vs Tinang farmers ibinasura ng korte

June 28, 2022 @ 8:58 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ibinasura ng Capas Municipal Trial Court nitong Lunes ang mga kasong illegal assembly at malicious mischief laban sa mga inarestong magsasaka na lumahok sa isang cultivation activity sa Barangay Tinang, Concepcion, Tarlac nitong nakaraang buwan.

Sa 13-pahinang desisyon nito, ibinasura ng korte ang illegal assembly charges dahil sa pagiging “duplicitous” at sa “failure to allege the essential facts constituting the particular kind of illegal assembly falling under the jurisdiction of the first-level court.”

Ayon sa korte, wala sa mga nabanggit na akto na maaaring parusahan sa ilalim ng Presidential Decree 1829 ang lumabas sa impormasyong inihain laban sa mga magsasaka.

“Hence, the alleged acts could not possibly constitute as violation of PD 1829,” saad sa desisyon.

Dagdag pa, sinabi ng korte na ang mga rumespondeng pulis na umaresto sa mga akusado ay hindi nakapagkumpiska o nakapagpakita ng ebidensya ng baril.

“Without the so-called ‘smoking gun’… wherein the information alleges that: ‘ang iba sa kanila ay nakita namin na may hawak na armas’, such baseless allegation will not support the requirement of sufficiency of ‘the acts of omissions complained as of constituting the offense’,” giit pa ng korte.

Ibinasura din ng korte ang mga kasong malicious mischief sa kadahilanang ang mga  kinasuhan ay hindi nagkasala at walang hurisdiksyon sa paksa.

Sinabi ng Korte na nabigo ang impormasyon na magpahayag “that the offender acted due to hate, revenge, or other evil motive” or simply damaged a property “for the sake of damaging it.”

“Without the third element of the crime being alleged in the information, it will be invalid for being a violation of the fundamental right of the accused to be informed of the nature of the cause of the accusation against him.”

“On this ground alone, the assailed information should be quashed,” saad pa.

Inirefer ng Korte ang kaso sa DAR Provincial Office sa Tarlac para sa kaukulang aksyon.

“Finally, finding the prayer that the agrarian dispute aspect of the Malicious mischief case be referred to the Department of Agrarian (DAR) Reform in order, the same is granted,” sabi rito.

Nauna nang sinabi ng grupo ng mga magsasaka na Makisama-Tinang na lahat ng mga magsasaka na lumahok sa aktibidad ng pagtatanim ay itinuturing na mga kwalipikadong benepisyaryo ng CARP.

Sa isang post sa Facebook, pinuri ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang Capas Court sa naging desisyon nito. RNT