Mga kawani ng MRT-3 inarmasan ng booster shot

Mga kawani ng MRT-3 inarmasan ng booster shot

January 30, 2022 @ 12:51 PM 8 months ago


Nasa 130 manggagawa na ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) at mga nagtatrabaho para sa maintenance provider ang nakatanggap na ng booster doses ng COVID-19 vaccine.

Sinabi ni MRT-3 Officer-in-Charge, Assistant Secretary Eymard Eje, na bahagi ng kanilang mandato ang pagbibigay ng booster shots sa kanilang mga empleyado upang matiyak na ligtas ang mga manggagawa at kanilang pasahero.

“Tinitiyak talaga natin na bakunado ang ating mga empleyado dahil tayo sa hanay ng MRT-3 ang araw-araw na sumasabak para magserbisyo sa mga pasahero”, sabi ni Eje sa ginawang pagbabakuna sa East Avenue Medical Center sa Quezon City noong Huwebes.

Kasama sa mga manggagawa ng MRT-3 na nabigyan ng booster shots ay mga security marshals, train drivers, ticket sellers at station personnel.

Samantala, sa ikalawang sunod na araw, walang positibong resulta mula sa 96 na pasaherong lumahok sa voluntary random antigen testing para sa Covid-19, noong araw din ng Huwebes. Jocelyn Tabangcura-Domenden