MGA KORAP SA LGU ANG MAY SALA SA PALPAK NA CELLPHONE SIGNAL

MGA KORAP SA LGU ANG MAY SALA SA PALPAK NA CELLPHONE SIGNAL

August 1, 2020 @ 2:05 PM 4 months ago

  •  
  •  
  •  

Gigil na rin maging si Pangulong Rodrigo Duterte sa dispalinghadong cellphone signal.
At natuklasan ng Presidente na ang corrupt local government officials pala at pati na ang mga kasabwat ang may sala dahil sila ang nagpapatagal sa pagtatayo ng telecommunication towers sa bansa.
Kaya iniutos ni Pangulong Duterte na ipahanap ang mga hinayupak sa LGUs.
“Alam mo you can ask Bong (Senator Bong Go), or Sonny (Finance Secretary Carlos Dominguez III) or the generals, kay Sec. (Eduardo) Año. Isumbong n’yo na lang nang diresto,” ani Presidente Duterte sa isang video na ipinalabas sa PTV-4 noong Biyernes.
“At ang order ko sa Cabinet ngayon is to really take, kung pinakamabigat, the most drastic measure that you can find, para magkaintindihan,” dagdag niya.
Aba, kailangan pa ng 25 hanggang 29 permits para maitayo lang ang isang tower at tumatagal nang lampas walong buwan ang pagkuha sa mga ito.
Modus-operandi ng LGU officials ang red tape upang makapanghingi sila ng lagay mula sa Globe at Smart. Nasa tagal nga naman kasi ang kanilang diskarte at kitaan!
“Ang 25 to 29 permit, umaabot nang walong buwan. Tapos marami pa ho kaming miscellaneous fees. Iba’t ibang klaseng tower fees. Meron kaming special use permit. Hindi ho namin ma-standardize,” ang sagot ni Globe Telecom president and CEO Ernest Cu nang ipatawag siya ni Duterte sa Malacañang.
Ngayong panahon ng quarantine, mas kailangan ng publiko para sa komunikasyon ang malakas na phone signal, lalo’t marami sa atin ang nasa bahay lang at naka-work from home set-up sa ating mga employers na maya’t maya ang tawag at text para sa kanilang mga utos at bilin.
Higit sa lahat, ang cellphone ang pangunahing paraan upang makumusta natin ang mga kamag-anak at kaibigan na nasa malalayong lugar.
Matatandaan na nitong nakaraang State of the Nation Address (SONA), inupakan at binantaan ng Presidente ang Globe at Smart.
“If you are not ready to improve, I might just as well close all of you and revert back to the line telephone. At kukunin ko ‘yan, i-expropriate ko sa gobyerno. ‘Yung Smart, pati ‘yung Globe, ilang taon na ito? At ang sagot palagi sa akin, ‘The party cannot be reached.’ Eh kung gano’n lang naman, ibigay ninyo sa amin,” anang Chief Executive sa kanyang SONA.
Mabuti na lang at nakapagpaliwanag ang Globe official at alam na natin kung sino talaga ang may sala sa dispalinghadong phone signal.
Siguro naman ay bibilis na ngayon ang pagtatayo ng mga tower dahil sa pangbabalahibo ni Presidente Rodrigo Duterte sa mga LGU official.
At kung hindi pa rin sila susunod, dapat na talaga silang ibitin sa tore! Ano sa palagay n’yo mga tsong?

  •  
  •  
  •  

Loading...