May mga tatakbo sa eleksyon sa susunod na taon bilang alkalde sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino – Laban ng Bayan na kilalang-kilala sa kanilang lugar na magnanakaw ng pera ng pamahalaan.
Dahil dito, alam nilang matatalo sila sa eleksyon, dahil nga sa katiwalian at korapsyon.
Kaso, talagang gustong-gusto nilang maging alkalde ng isang lungsod sa Metro Manila, kaya gumawa ng paraan upang magkaroon ng ‘pag-asa’ na magwagi sa halalan.
Alam n’yo ba kung ano ang ginawa?
Lumipat sa PDP-Laban dahil sa paniwalang susuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kandidatura.
Syempre, desperadong desisyon ito ng mga korap na politiko upang maging alkalde.
Hindi nila naisip na hindi sapat na batayan ang pagiging PDP-Laban para suportahan ni Duterte ang kanilang kandidatura.
Ang mahalagang batayan ni Duterte ay hindi korap ang tatakbong alkalde, bago niya itaas ang kamay nito pagdating ng kampanya.
At syempre, dapat hindi siya protektor ng druglord o hindi siya drug-lord mismo.
Alam naman nating lahat na galit si Duterte sa droga.
Ngayon, hindi ko alam kung ano ang gagawin ni Duterte sa mga politikong korap na umaasang susuportahan nang todo ni Duterte ang kanilang kandidatura, sapagkat sumapi sila sa PDP-Laban.
HUWAG NA ‘YANG SINGLE-USE
PLASTIC NA ‘YAN
Ayon sa mga kaibigan natin sa EcoWaste Foundation, ang single-use plastic ay nakasisira sa kalikasan.
Kaya, tutol ang EcoWaste sa single-use plastic.
Gusto rin ni Vice-Mayor Joy Belmonte na matigil na ang paggamit ng single-use plastic.
Ngunit, dapat daw at dahan-dahan ang pagpapatigil dito.
Ayon kay Belmonte, “[the city council] can push for the ban, pero we also need to have a grace period [for the use of plastic utensils because] … industries will be affected. Habits of people will change. Some restaurants will have stock for years. So you can’t just implement right away. You have to give a grace period din.”
Sa palagay ko, mainam ang iniisip ni Belmonte kaysa tulad ng ibang Sangguniang Panglunsod sa Metro Manila na walang pakialam sa mga isyu at suliranin sa kalikasan, sapagkat nakapokus na sa eleksyon sa susunod na taon.
-BADILLA