Mga labi ng OFW na patay sa Turkey quake, naiuwi na sa Lucena City

Mga labi ng OFW na patay sa Turkey quake, naiuwi na sa Lucena City

February 17, 2023 @ 9:20 AM 1 month ago


LUCENA CITY, Quezon- Naiuwi na ang bangkay na babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) na nasawi sa lindol sa Turkey, sa kanyang tahanan sa Barangay Ilayang Dupay sa lungsod na ito nitong Huwebes ng hapon.

Agad na dinala ang mga labi ni Wilma Abulad-Tezcan sa isang punerarya.

Ayon sa mga kaanak ni Abulad, magkakaroon ng tatlong araw na vigil sa tahanan ni Abulad bago siya ilibing sa Sabado ng hapon sa isang pribadong sementeryo sa nasabing lungsod.

Ayon pa sa mga kaanak ng biktima, susundin ang Muslim ritual sa libing alinsunod sa hiling ng kanyang Turkish husband.

Darating ang asawa ni Wilma na si Gurol Tezcan ngayong Biyernes, matapos makakuha ng kopya ng bagong pasaporte na nawala nang maganap ang traahedya.

Nagpasalamat naman ang pamilya ni Abulad sa mga tumulong sa pag-uuwi ng mga labi ni Wilma.

Magugunitang humingi ng tulong ang ama ni Wilma na si William noong Feb. 10 kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maiuwi ang mga labi ng kanyang anak.

Samantala, nagtungo si Department of Migrant Works (DMW) assistant secretary Venecio Legaspi sa tahanan ni Wilma para makiramay sa kanyang naiwang pamilya. RNT/SA