Mga liblib na lugar dadayuhin ng SIM registration caravan

Mga liblib na lugar dadayuhin ng SIM registration caravan

January 25, 2023 @ 10:19 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng subscriber identity module (SIM) registration caravans ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ilang malalayong lugar sa bansa.

Sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na ang caravan ay tatakbo mula Miyerkules hanggang Biyernes sa 15 lokasyon sa iba’t ibang lalawigan.

“Ang caravan ay ikakasa sa Ilocos Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Davao Region. Ang mga site ay nasa Ilocos Norte, Cebu, Leyte, Bukidnon, at Davao del Sur – karamihan sa mga municipal auditoriums,” ani Uy.

Ngayong Miyerkules, bibisitahin ng SIM registration caravan ang municipal auditorium ng Pasuquin sa Ilocos Norte, ang municipal hall ng Moalboal sa Cebu, ang municipal Gym ng Palo sa Leyte, ang municipal gymnasium ng Pangantucan sa Bukidnon at ang covered court ng Malalag sa Davao del Sur.

Sa Huwebes, ito ay gaganapin sa basketball court sa Atok, Benguet, Camalaniugan Sports Complex sa Cagayan, sa municipal covered court ng Calumpit sa Bulacan, Luancing covered court sa Batangas, at sa covered court sa Barangay Arena Blanco sa Zamboanga City.

Sa ikatlong araw, bibisitahin ng caravan ang Barangay Santa Rosa 1 covered court sa Baco, Oriental Mindoro, Barangay Paulba covered court sa Ligao City, Albay, Carles covered gym sa Iloilo, Emergency Operations Center sa Arakan, Cotabato, at Tagbina municipal gym. sa Surigao del Sur.

Ang caravan, aniya, ay makatutulong upang matugunan ang kakulangan ng koneksyon sa mga lugar na ito na kinakailangan upang mairehistro ang kanilang mga SIM card online. RNT