MGA LSI NAMEMELIGRO SA COVID-19

MGA LSI NAMEMELIGRO SA COVID-19

August 1, 2020 @ 11:23 AM 4 months ago

  •  
  •  
  •  

Kumilos nang agaran dapat ang administrasyong Duterte para sagipin ang “locally-stranded individuals” o LSIs sa Metro Manila at tulungang makabalik sa kanilang mga tirahan sa mga lalawigan.

Naging sagabal ang ilang local government unit (LGU) official na nababahalang may sakit na COVID-19 ang mga uuwing LSI at dahil sa kanilang pagmamatigas ang mga nangyaring cancellations of flight sa domestic airports.

Ngunit inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na linawin sa utak ng mga LGU official na wala silang awtoridad para bawalan ang mga LSI na bumalik sa kanilang mga tahanan at pamilya.

Tinitiyak naman ng DILG na ang mga pauuwiin ay sumailalim sa RT-PCR test at confirmed negative for COVID-19.

Dapat ipaalala sa mga pulitiko, gobernador at alkalde na ginagarantya ng 1987 Constitution sa mga Filipino ang liberty of abode at dapat i-welcome ang mga LSI.

Dapat ang gawin ng mga LGU ay pabutihin ang kani-kanilang local health care system to conduct mass testing, contact tracing, treatment and care of local COVID-19 patients.

Dapat may sariling quarantine facility rin ang LGUs.

Ang mga LSI na tinagurian ding mga “bakwit,” ay stranded sa National Capital Region (NCR) nang ipataw ni President Duterte, sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force, ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon noong March.

Isa itong late reaction sa outbreak ng coronavirus disease na nagsimula noong Pebrero.

Dahil na rin sa biglaan at malawakang lockdown, naapektuhan nang husto ang ekonomiya.

‘Di nakauwi ang mga LSI dahil sa cancelled flights at shutdown ng public transportation.

Kabilang din sa mga bakwit ang mga mahihirap na pamilyang nawalan ng kabuhayan at ‘di na kayang mangupahan sa Metro Manila.

Ang iba’y mga overseas Filipino worker (OFW) at ibang balikbayan na ‘di sinuwerteng makakita ng trabaho sa ibang bansa gaya ng Dubai at Japan.

Ang mga LSI ay inaasahang darami pa dahil milyones pa ang malamang mawalan ng trabaho at daang libo pa ang mga pinauuwing OFW dahil sa pandemya.

Marami nang nakauwi sa lalawigan sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG) at DILG.

Ngunit libo-libo pa ang nananatili sa Rizal Memorial Stadium, Quirino Grandstand sa Rizal Park, Manila Science High School, Philippine Army Gymnasium, Villamor Air Base Elementary School at NAIA Terminal 3.

Kalunos-lunos ang kalagayan ng mga LSI, kabilang ang mga kababaihan at mga maliliit na bata na naligo sa malakas na ulan sa Rizal Memorial Stadium at sa Luneta Grandstand.

Namemeligro na magkaroon ng massive social transmission ng COVID-19 sa ganyang sitwasyon.

Nasaksihan natin ang kapalpakan sa distribusyon ng Social Amelioration Program (SAP) cash assistance at ngayon ito naman ang nangyayari.

Noong nakaraang buwan nangyari ang trahedya ni Michelle Silvertino, ang 33-anyos na LSI na namatay sa sakit habang nag-aantay ng bus pauwi ng Camarines Sur at muling makapiling ang kanyang tatlong anak.

May isang opisyal sa Malacañang na nagsabing ‘di na mauulit ang trahedya ni Michelle.

Sana nga hindi ‘yun maulit sa Rizal Memorial Stadium at sa Luneta Grandstand.


  •  
  •  
  •  

Loading...