Mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown, 42 na lang – Año

Mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown, 42 na lang – Año

December 15, 2021 @ 8:15 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Nabawasan pa ang mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown sa buong bansa.

Sa katunayan, 42 na lamang ito dahil sa Alert Level System para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

“Dahil po epektibo ‘yung ating ginagawang Alert Level System, ‘yung pagpapatupad ng ating minimum public health standard at ang ating massive na pagbabakuna, nakikita po natin na talagang mababa na ang ating mga case,” ang iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Talk to the People, Lunes ng gabi.

Ani Año, sa Kalakhang Maynila ay wala nang nakasailalim sa granular lockdowns bunsod ng bumababang kaso ng COVID-19.

Bago pa ang Alert Level System, nagpatupad na ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ng community quarantine classification para labanan ang pandemya.

Marami aniyang guidelines ang dapat na panatilihin sa ilalim ng Alert Level System subalit magiging daan naman ito para muling buksan ang ekonomiya at makapagbigay ng mas maraming job opportunities sa mga tao.

Iniulat din ng Kalihim na bumaba na rin ang paglabag sa mass gatherings bagama’t napansin ng mga awtoridad ang maraming tao na hindi na nagsusuot ng face masks at hindi nag- physical distancing. Kris Jose