Mga lungsod sa Pinas tinawag na ‘provinces of China’ sa viral video

Mga lungsod sa Pinas tinawag na ‘provinces of China’ sa viral video

February 22, 2022 @ 3:53 PM 4 months ago


ISANG video sa Facebook ang naging viral dahil sa pagtawag sa mga lungsod sa Pilipinas bilang “provinces of China” o mga probinsiya ng Tsina.

“Viral Video. Grabe naman ito!” ayon sa Facebook page na Pinoy Rap Radio na nag-upload ng naturang video.

Dagdag nito, “Paano kung tuluyan na tayong masakop ng gobyernong China? Posibleng-posible ito sa nalalapit na kinabukasan kung wala tayong gagawin para pigilan ang pagkakalat nila ng propagandang katulad nito.”

Ang naturang video ay may titulong “Philippines: Province of China?” Ito ay nagpapakita ng pag-search ng Pilipinas sa Google Earth.

Batay sa video, kapag hinanap ang “Philippines” sa Google Earth, ang lalabas ay “Philippines (Province of China).”

Bukod dito, kapag nag-search ng mga lungsod sa Pilipinas katulad ng Cebu, Davao at Manila ang lalabas ay may kasamang salitang “Province of China.”

Ang naturang video ay maroon na mahigit sa 1,800 na komento, mahigit sa 3,700 na “shares” at mahigit sa 1,100 na reaksiyon.

Noong Hulyo 2018, nagkalat ang mga tarpaulin na may nakasulat na “Welcome to the Philippines, province of China” na nakasabit sa mga footbridge sa Metro Manila.

Nanalo ang Pilipinas noong 2016 sa isang kaso laban sa China sa Permanent Court of Arbitration.

Ang desisyon ay pabor sa Pilipinas at nagdeklara na ang pag-angkin ng Tsina sa “nine-dash” sa South China Sea ay walang basehang ligal. RNT