Mga magsasaka, ARB gagawin kong mas produktibo – incoming DAR chief

Mga magsasaka, ARB gagawin kong mas produktibo – incoming DAR chief

June 16, 2022 @ 2:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nangako si incoming Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na gagawing produktibo ang mga magsasaka at mga ARB upang umunlad ang kanilang pamumuhay sa ginanap na thanksgiving party sa bayan ng Rosales sa Pangasinan noong Martes (Hunyo 14, 2022) kasama ang SINAG chairman Rosendo So.

“Marami tayong kailangang gawin. Kailangang mag-overhaul ang bahay at kailangan din nating maglinis ng bahay. Pero kaya natin. At gagawin nating mas produktibo ang mga magsasaka, ang mga agrarian reform beneficiaries,” ayon kay Estrella .

Ayon kay Estrella panahon na para ilabas ang mga titulo ng lupa at hayaan ang mga magsasaka na gawin ang gusto nila sa kanilang mga lupain.

“Ngayon kasi hindi nila ma-develop dahil hindi naman negotiable instrument yong hawak nila dahil may primary mortgage ayon pa dito.

Sinabi ni Estrella na titingnan din ng ahensya ang pag-update ng amortization table.

“As of now, walang makakapagsabi sa akin kung updated ba ito o hindi. Kung ito ay ma-update, baka makita natin na ang gastos ng admin(istrative) at pampulitika at lahat ay maaaring mas mataas at kaya mas mahusay na i-condone ang pautang sa halip,” dagdag niya.

Idinagdag pa ni Estrella na kabilang sa kanyang mga priyoridad ay ang gawing malaking bahagi ng consumer group ang ARBs na mayroong “very strong purchasing power”.

Magugunitang ang lolo ni Estrella na si Conrado Estrella Sr. ay dating Ministro ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Sinabi ni Estrella sa thanksgiving party dito Martes na binigyan siya ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. ng simpleng utos na sundin niya ang yapak ng kanyang lolo at ng yumaong Marcos Sr.

Ibinigay aniya ni Marcos Jr. ang kanyang pangako sa full support services at gawing produktibo ang mga magsasaka.

Si Estrella ay nagsilbi bilang isa sa mga Deputy Speaker ng House of Representatives sa 18th Congress bago ang kanyang pagkakatalaga bilang DAR Secretary at dating Abono Partylist representative. Santi Celario