Mga magsasaka sa Camiguin nakatanggap ng E-title

Mga magsasaka sa Camiguin nakatanggap ng E-title

November 6, 2022 @ 4:03 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aabot sa tatlumpong (30) agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang personal na tumanggap ng electronic land titles (e-titles) mula kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado M. Estrella III sa isang seremonya na ginanap dito sa Mambajao, Camiguin.

Ayon sa DAR ang mga ipinamahaging e-title ay sumasaklaw sa 17 ektarya ng mga lupa sa iba’t ibang munisipalidad ng lalawigang ito at ipinamahagi sa ilalim ng proyektong Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) ng DAR.

Sinabi ni Estrella III, na nanguna sa seremonya ng pamamahagi na ang SPLIT project ay naglalayon na mapabilis ang land subdivision o parcelization ng collective certificates of land ownership award (CCLOAs) ng humigit-kumulang 1.3 milyong ektarya ng lupa sa buong bansa.

“Ang proyektong SPLIT ay pinondohan ng World Bank upang ang mga CCLOA ay mahati-hati upang maglabas ng mga indibidwal na titulo. Maglalabas kami ng mga indibidwal na e-title. Ang layunin nito ay protektahan at pagtibayin ang mga karapatan sa ari-arian ng ating mga ARB,” ani Estrella.

Kaugnay nito sa kanyang talumpati, hinimok ni Estrella ang mga benepisyaryo na gawin ang kanilang bahagi sa pagpapabuti ng kani-kanilang mga lupang sakahan upang umangat ang kanilang pamumuhay.

“Nangangako kami na bibigyan kayo ng mga suportang serbisyo tulad ng mga makinang pangsaka, pagpapautang at iba’t ibang pagsasanay upang matulungan kayong mapanatiling produktibo ang mga sakahan ninyo na ngayon ay legal nang pag-aari ninyo,” ani Estrella.

Samantala sinabi ni Atty. Kazel Celeste, DAR Undersecretary for field operations, na nakikipag-panayam ang DAR sa Registry of Deeds at Land Registration Authority upang maging maayos ang daloy ng proseso ng pagbibigay ng e-title.

Sa parehong kaganapan, idineklara ng Kalihim na ang isla ng Camiguin ay LAD-free na, na ang ibig sabihin ay nakumpleto na ang proseso ng land acquisition and distribution.

Sakop ng lalawigan ng Camiguin ang 2,618 ektarya ng mga lupang sakahan na may 3,505 ARBs. Sa nasabing ektarya, lahat ng 3,305 ARB ay nagawaran na ng lupa sa ilalim ng comprehensive agrarian reform program (CARP). Santi Celario