Mga magsasaka sapul sa sumadsad na farmgate price ng sibuyas

Mga magsasaka sapul sa sumadsad na farmgate price ng sibuyas

February 3, 2023 @ 1:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sapul ng mababang farmgate prices ng sibuyas ang mga magsasaka, kasunod ng pagdating ng mga inangkat na produkto mula sa ibang bansa.

Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) President Rosendo So nitong Biyernes, Pebrero 3, ang presyo ng puting sibuyas ay bumagsak sa P70 hanggang P90 kada kilo mula sa dating P700 kada kilo.

“Ang puting sibuyas yesterday ano eh, nasa P70-90 ang puting sibuyas. Ito’y nasa Bongabon area, in Nueva Ecija, itong pula is tumatakbo as P170-P190 ang tumatakbong presyong yesterday,” pagbabahagi ni So sa panayam ng TeleRadyo.

Sa kabila ng pagbaba sa presyo ng sibuyas, umaaray naman ang mga magsasaka dahil sa mababang farmgate prices dahil sa suplay.

“Siyempre ngayon lang po sana kami makakatikim ng magandang presyo kaso, ang ginawa naman ng (Department of Agriculture), sinabayan kami sa importation. Masakit po yun,” sinabi naman ni James Ramos, administrator ng Facebook page na Onion Farmers Philippines.

“For more than 30 years ngayon lang po sana makakatikim ng magandang kita mga farmers. Pero, hinadlangan ng DA dahil doon sa importation na yan.”

Idinagdag ni Ramos na hindi man lamang kinonsulta ang mga magsasaka bago pa mag-angkat ng sibuyas.

“Yun po ang masakit eh, hindi man lang kami kinonsulta na mga farmers. Walang consultation na nangyari before sila nag-apruba ng imported,” giit niya.

“Panawagan po sana naming sa DA na, kung maaari, pag-aralan mabuti, konsultahin kaming magsisibuyas bago sila mag-approve ng importation. Alam niyo sa totoo lang maganda yung proyekto ng pangulo na wag sana magpapasok ng imported.”

“Kaso ang DA, ugali na niyan, hindi namin alam, kahit sinong umupo dyan na secretary, pero nasa loob po yung ano eh, nasa loob po talaga yung bulok na sistema,” pagpapatuloy nito.

Sa ngayon ay umaasa na lamang si Ramos na tutulungan ng pamahalaan ang mga magsasakang katulad niya.

“Kahit sana man magbigay man lang ng gaya ng yumaong ama ng ating pangulo noon, na nagbibigay ng ayuda sa mga farmers like yung mga boto, atsaka mga pataba.,” dagdag niya. RNT/JGC