Mga magsasaka sumama-loob: Sibuyas binili ng P8/kg binenta ng P700 sa NCR

Mga magsasaka sumama-loob: Sibuyas binili ng P8/kg binenta ng P700 sa NCR

January 17, 2023 @ 10:19 AM 2 weeks ago


OCCIDENTAL MINDORO- NAPAPAILING na lamang sa pagkadismaya ang mga magsasaka sa Occidental Mindoro dahil sa sobrang pananamantala sa presyo ng sibuyas sa Kamaynilaan.

Sa ipinalabas na pahayag kahapon (Lunes) ni San Jose, Occidental Mindoro municipal agriculturist Romel Calingasan sa pagdinig ng Senado, ‘nadismaya’ ang mga magsasaka matapos malaman na ang mga sibuyas na ibinebenta nila sa farm gate price na P8 hanggang P15 kada kilo sa panahon ng anihan ay ibinebenta sa humigit-kumulang P700 kada kilo sa Metro Manila sa pagtatapos ng taon.

“‘Yung presyo na pinag-uusapan po natin ngayon na nag-raise po [sa] P650 to P700 sa merkado, ‘yan po ay binili lamang po sa mga magsasaka ng San Jose, Occidental Mindoro ng P8 to 15 during harvest season.. . ‘nung buwan po ng March to April,” ani Calingasan sa mga senador.

“Kaya talaga pong ganon na lang ang pagkadismaya ng aming mga magsasaka…dahil po sobrang taas po ang naging presyo ng sibuyas. Sobrang pinagsamantalahan po ang presyo ng sibuyas,” dagdag pa ni Calingasan.

Sinabi pa ni Calingasan, ang mga magsasaka ay ikinategorya bilang mga mamimili sa huling bahagi ng 2022 dahil napilitan din silang bumili ng sibuyas sa mas mataas na presyo dahil hindi nila napanatili ang kanilang ani dahil sa kakulangan ng mga pasilidad sa pag-iimbak sa lalawigan gayundin sa Metro Manila.

Aniya, noong nakaraang taon, nakapagtanim ng mga sibuyas ang mga magsasaka sa 3,485 ektarya ng lupa ngunit wala pang limang porsyento ng kanilang ani ang maaaring i-accommodate sa mga storage facility.

Dahil dito, wala aniyang pagpipilian ang mga magsasaka kundi ibenta ang 95% ng kanilang mga ani sa mga mangangalakal.

Sa parehong pagdinig, nalaman ng mga senador na limang magsasaka ng sibuyas sa Bayambang, Pangasinan ang nagbuwis ng sariling buhay dahil sa pagka-bangkarote.

Isinama ni Elvin Jerome Laceda, national president of Young Farmers Challenge Club of the Philippines, Inc., si Merly, asawa ng isa sa mga magsasaka na nagpakamatay noong nakaraang taon.

“Last year po dahil nalugi ang kanilang farm, nagsuicide po ang kanyang asawa. Milyon-milyon ang utang nila dahil don sa harabas (army worm). Ngayon pa lang po sila nakabawi pero dahil may importasyon po, wala pang 100 days ang kanilang onions po, kailangan nang i-harvest 85 to 90 days,” ani Laceda.

“‘Yung istorya ni nanay sana hindi na po maulit sa ibang magsasaka. Lima na magsasaka po ang nagsuicide sa barangay nila,” dagdag pa nito.

Umapela na rin si Laceda sa mga opisyal na dumalo sa pagdinig ng Senado na bilhin ang mga produktong agrikultural sa presyong kapaki-pakinabang sa mga magsasaka at mga mamimili.

Samantala, sinabi ni Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla sa kaparehong pagdinig na maaaring bumaba ang presyo ng sibuyas sa P120 hanggang P150 kilo pagkatapos ng local harvesting season.

Sa mga nakalipas na taon, sinabi ni Sombilla na hindi lalampas sa P200 hanggang P250 kada kilo ang presyo ng sibuyas at nagulat din sila na umabot na sa halos P800 kada kilo ang presyo sa merkado.

“We are expecting na once ‘yung pangako po nila na harvesting will come on the third and fourth week and then continued ‘yan hanggang sa April [to] May, talagang babagsak po siguro. Sana, P120-P150 [per kilo] as in the past years,” ani Sombilla./Mary Anne Sapico