Mga mamahaling sasakyan, ipasusubasta ng BOC

Mga mamahaling sasakyan, ipasusubasta ng BOC

December 10, 2021 @ 8:05 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Tinatayang higit P30 milyon halaga ng mga “luxury cars” ang ibebenta ng Bureau of Customs (BOC) sa isasagawa nilang public auction.

Nabatid sa BOC, limang mamahaling mga sasakyan ang isasailalim nila sa auction kung saan kabilang dito ang Porsche Boxster 2001, tatlong Mercedes Benz at isang Ferrari Scuderia 430.

Gaganapin ang nasabing public auction sa 2nd Floor Auction Room, Bureau of Treasury (BTr), Ayuntamiento Building, Cabildo St., corner. A. Soriano Avenue, Intramuros, Manila sa ganap na alas-10 ng umaga sa Disyembre 13.

Ang kabuuang floor price ng bawat kotse ay PHP1.79 milyon para sa Porsche; PHP1.24 milyon para sa MB SLK350, PHP1.32 milyon para sa MB SLK55, PHP1.49 milyon para sa MB E220, at PHP23.2 milyon para sa Ferrari.

Nagsimula ang dalawang araw na inspeksyon sa mga sasakyan kahapon, Huwebes, sa PUC Grounds, Gate 3, South Harbor sa Port Area, Manila.

Inatasan naman ng BOC ang mga bidder na sumunod sa mga health protocol, kabilang ang negatibong resulta ng kanilang swab test. Maaari din anilang magparehistro ang mga interesadong bidder sa Office of the Auction and Cargo Disposal Division, Manila International Container Port (MICP).

Para sa buong detalye ng nakatakdang auction, maaaring bisitahin ng publiko ang: https://customs.gov.ph/notice-of-public-auction-23-november-2021-manila-international-container-port/ JAY Reyes