Mga mangingisda makikinabang sa pagsuspinde sa excise tax – PAMALAKAYA

Mga mangingisda makikinabang sa pagsuspinde sa excise tax – PAMALAKAYA

October 21, 2022 @ 7:56 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Iginiit ng grupo ng mga mangingisda na ang pagsususpinde sa excise tax sa mga produktong petrolyo ay maaaring makabawas ng hindi bababa sa P16 kada litro ng diesel, sinabi ng progresibong grupo ng mangingisda nitong Biyernes, Oktubre 21.

Sa isang press statement, sinabi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na ang patuloy na pagtanggi ng kasalukuyang administrasyon na suspindihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo ay isang ‘ganap na kapabayaan’ sa mga may sakit na mangingisda at iba pang marginalized sector.

“Kailangan ng mga maliliit na mangingisda ng big-time rollback sa presyo ng langis dahil nalulunod na tayo sa utang dahil sa mataas na gastos sa produksyon at pabagsak na kita,” ayon kay Ronnel Arambulo, PAMALAKAYA National Spokesperson.

Ayon sa PAMALAKAYA na ang kamakailang pagtaas ng presyo ng langis ay nagmarka ng halaga ng gasolina ng isang mangingisda na regular na kumukonsumo ng 10 litro ng diesel kada fishing trip sa P780 sa isang P78/litro ng diesel.

Kung sususpindihin ang excise tax sa gasolina, maaaring lumiit ang production cost ng mangingisda ng hindi bababa sa P160 kada byahe o kabuuang P2,560 kada buwan sa 16-araw ng pangingisda.

“Ang pagsususpinde ng buwis sa gasolina kasama ang sapat at agarang paglulunsad ng mga subsidiya sa produksyon ay magpapataas ng produktibidad sa mga mangingisda. Wala nang dahilan para mag-angkat pa ng isda kung makakapanumbalik ang maraming mangingisdang napiling maghanap ng ibang kabuhayan dahil sa taas ng gastusin sa produksyon, partikular ng krudo,” dagdag pa ni Arambulo.

“Sa walang tigil na pagsirit ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin, kailangan na ang agarang aksyon ni Pangulong Marcos Jr bilang namumuno rin sa kagawaran ng agrikultura. Hindi kumpletong panawagan ang pagbibigay ng suspensyon sa karagdagang buwis sa langis dahil ito ay para sa ikauunlad ng produksyon ng agrikultura at pangisdaan,” pagtatapos ni Arambulo. Santi Celario