Mga mangingisdang Pinoy sa WPS sasamahan ng PCG

Mga mangingisdang Pinoy sa WPS sasamahan ng PCG

June 2, 2022 @ 3:36 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sasamahan at susubaybayan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea sa gitna ng pagbabawal sa pangingisda ng China.

Ito ang tugon ni PCG Commodore Armand Balilo nitong Huwebes nang tanungin sa Laging Handa public briefing para sa reaksyon sa pagbabawal sa pangingisda.

“Tayo po ay sasama doon sa mga fishermen. Imo-monitor po natin ‘yung mga fishermen natin sa pangingisda nila,” sagot ni Balilo.

Nagpatupad ang China ng fishing ban sa South China Sea, na sumasaklaw sa ilang bahagi ng West Philippine Sea, na may bisa mula Mayo 1 hanggang Agosto 16.

Pagkatapos ay naghain ng diplomatikong protesta ang Department of Foreign Affairs (DFA), na sinasabing ang pagbabawal ay sumasalakay  sa mga bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Binanggit ng DFA ang arbitral victory ng bansa noong 2016 laban sa mga claim ng China sa maritime area. Jocelyn Tabangcura-Domenden