Mga manok galing Luzon, bird-flu hit areas bawal sa Davao City

Mga manok galing Luzon, bird-flu hit areas bawal sa Davao City

May 20, 2022 @ 10:18 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pansamantalang ipinagbabawal ng Davao City local government ang pagpasok sa syudad ng mga mga manok at mga produktong gawa rito mula sa Luzon at iba pang mga lugar na may mga naiulat na kaso ng highly pathogenic avian influenza (AI) o bird flu.

“Ang pamahalaang lungsod ng Davao ay nagpapalabas ng pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga domestic at nahuli na ligaw na ibon, ang kanilang mga produkto at by-products, kabilang ang mga day-old na sisiw, itlog, semilya, pataba, at balahibo, mula sa Luzon at iba pang lugar na may naiulat na mga kaso ng Avian Influenza na epektibo kaagad,” ayon sa inilabas na executive order ni Mayor Sara Z. Duterte.

Dagdag pa, sinabi nito na ang mga nagdadala ng mga game fowl, itik, kalapati, at mga nahuli na ligaw na ibon ay dapat kumuha ng veterenary health certificate na nagsasaad na ang mga ibon ay galing sa mga lugar na walang insidente ng bird flu.

Pinahihintulutan ng EO ang transportasyon ng mga game fowl mula Davao City patungo sa ibang mga probinsya, bagama’t ipinagbabawal ang paglipat ng mga game fowl pabalik sa lungsod maliban kung ang negatibong resulta ng AI test ay kinuha mula sa lugar na pinanggalingan.

Sinabi ng city veterinarian’s office (CVO), sa pinakahuling ulat nito, na nananatiling zero cases ang Davao sa bird flu.

Sinabi ni Dr. Cerelyn Pinili, ang hepe ng CVO, na ang kanyang tanggapan ay nakatuon sa pagsubaybay sa mga lugar ng Talomo at Tugbok kung saan matatagpuan ang konsentrasyon ng mga commercial poultry farms.

Ang mahigpit na hakbang ay inilagay para sa pagpasok ng mga poultry products mula sa Tacurong, Sultan Kudarat – ang pinakamalapit na AI-hit area sa lungsod, dagdag ni Pinili.

Naglagay ng karagdagang checkpoints sa mga entry point mula North Cotabato hanggang Davao City, at ang Buda at Marilog areas, kasama ang Arakan–Dalaglumot, Marilog boundary, aniya. RNT