Mga menor de edad ‘di pwede sa SIM registration-NTC

Mga menor de edad ‘di pwede sa SIM registration-NTC

December 15, 2022 @ 12:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Bawal magparehistro ang mga menor de edad  bilang mga may-ari ng mga SIM card, ayon sa National Telecommunications Commission (NTC) noong Huwebes.

Ang lahat ng mga mobile subscriber ay kinakailangang i-enroll ang kanilang mga SIM card sa loob ng 180 o 6 na buwan mula sa bisa ng batas sa SIM Registration Act na aarangkada sa Disyembre 27. Ang hindi pagrehistro sa loob ng panahong ito ay magreresulta sa pag-deactivate ng mga SIM card.

“Pinagbabawal po ng batas kasi yung mga SIM ay irehistro sa pangalan ng menor de edad,” ani NTC consultant Edgardo Cabarrios sa TeleRadyo.

“Pagka po ang magpaparehistro ay menor de edad, kailangan pong magpresenta siya ng consent ng magulang o guardian kasi sa magulang o guardian ipangalan po yung SIM,” dagdag pa niya.

Ang mga dayuhang turista na bibili ng mga SIM card sa Pilipinas ay kailangan ding magparehistro, paglilinaw pa ni Cabarrios.

“Ipipresenta po kasi yung passport, nandoon po yung visa at naroon yung stay niya, number of days dito sa Pilipinas, tapos yung proof of address kung saan siya titira, hotel or whatever ano, condominium, et cetera–basta meron pong address, ” aniya.

Ang kanilang mga SIM card ay magiging aktibo sa loob ng 30 araw, sabi ni Cabarrios.

“Kung mae-extend yung kanyang stay, magpipresenta lang po sila ng proof na na-extend yung stay niya para ma-extend po yung validity nung SIM na binili niya dito sa Pilipinas,” aniya pa.

Ang mga SIM card ay maaaring mairehistro online sa pamamagitan ng pag-fill out ng mga form sa mga website ng mga kumpanya ng telekomunikasyon.

Hindi nililimitahan ng batas ang bilang ng mga SIM card na maaaring irehistro ng isang Pilipino, ani Cabarrios. Ngunit binanggit niya na pananagutan ng publiko ang lahat ng SIM card na nakarehistro sa ilalim ng kanilang mga pangalan.

“Dapat maging responsable ka, e kasi pagka sa nagamit yan, hindi ko alam, for illegal activities, ikaw ang primary suspect eh. So mag-ingat lang po. Magparehistro ng karampatang numero, yung kaya mong i-monitor, kaya mong bantayan,” aniya pa. RNT