Mga menor na pasaway sa curfew, magulang ang ikukulong

Mga menor na pasaway sa curfew, magulang ang ikukulong

July 26, 2018 @ 6:23 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Ikukulong at pagmunultahin na ang mga magulang na magpapabaya sa kanilang mga menor de edad na anak sa lansangan sa dis oras ng gabi sa lungsod ng Manila.

Mas magiging mahigpit ngayon ang pagpapatupad ng curfew sa lungsod ng Maynila matapos na pag-aralan at amenyadahan ng konseho ang naunang ordinansa para dito.

Nakasaad sa inamyendahang ordinansa ng konseho ng Maynila kaugnay sa curfew hour  o ang Manila City Ordinance no.8547 (Discipline Hour) na ang mga kabataang mahuhuli sa dis-oras ng gabi na nasa edad 15-17 ay pagmumultahin ng P2,000  ang kanilang mga magulang bukod pa sa pagkakakulong ng isang buwan.

Pagmumuktahin naman ng halagang P3,000 at tatlong buwang pagkakakulong sa mga may anak na 13-14 taong gulang at multang P5,000 at anim na buwang kulong sa mga nasa edad 12 pababa.

Ang mas pinahigpit na implimentasyon ng curfew hours sa lungsod ay base na rin sa kahilingan umano ng mga magulang at residente upang maiwasan sa anumang gulo at karahasan ang mga kabataan.

Sinabi ni Manila Mayor Joseph Estrada na  ayon ng naturang ordinansa  na panatilihing disiplinado ang mga kabataan sa Maynila sa tulong na rin ng gabay ng kanilang mga magulang.

Nakasaad din sa ordinansa na bawal nang magtambay o gumala ang mga menor de edad simula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 madaling araw.

Ang sinumang mahuhuli o makikitang pagala-gala sa kalye ay ipapasok sa ‘intervention programs’ ng barangay o isasama sa ‘community service’ ng barangay o charitable non-government offices.

Matatandaang idineklara ng Korte Suprema na “unconstitutional” ang  unang curfew ordinance ng lungsod.

Binigyan diin naman ni Councilor Ricardo “Boy” Isip, Jr. (5th District), ang principal author ng panukalang curfew ordinance na ito ay proteksiyon ng mga kabataan mula sa anumang kapahamakan.

Ang ordinansa ay nakapasa na at pirmado na rin ni Estrada. Ilalathala na lamang ito sa mga pahayagan bago ito epektibong ipatupad sa lungsod.

May pagkakaiba naman ayon kay Isip ang City Ordinance no. 8046 na ipinasa noong 2002 sa ilalim ng administrasyon ni dating alkalde na si Lito Atienza.

Ngayon aniya ay mas “relaxed” at “child-friendly” ang bagong curfew ordinance.

Isu-surender naman sa pinakamalapit na barangay hall, istasyon ng pulisyab o opisina ng DSWD ang mga menor de edad na mahuhuli sa unang pagkakataon.

Sa second offense naman ay pagmumultahin na ng P1,000 o papatawan ng 48-oras community service ang magulang o guardian.

Sa ikatlong paglabag, multang P3,000 at 72-oras na community service ang ipapataw habang P5,000 multa sa magulang o anim na buwan na kulong at isang araw na seminar tungkol sa responsible parenting.

Gayunman, ikokunsidera pa rin ang exemptions kapag ang bata ay may kasamang matanda o magulang at kapag ang menor-de-edad ay galing sa trabaho, panggabi ang kanilang klase.

Ligtas din sa curfew hours ang sinumang galing sa anong opisyal na gawain na may kinalaman sa relihiyon at edukasyon at mga kabataang nautusan sa gabi upang bumili ng gamot at humingi ng tulong sa oras ng emergency. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)