Mga nagbitiw na CIIF-OMG officials, nasa holdover capacity- Malacañang

Mga nagbitiw na CIIF-OMG officials, nasa holdover capacity- Malacañang

July 13, 2018 @ 3:32 PM 5 years ago


Manila, Philippines –  Kinumpirma ng Malakanyang na nagsumite na ng kani-kanilang resignation letter ang 12 matataas na opisyales at ilang mga plant managers ng Coconut Industry Investment Fund-Oil Mills Group (CIIF-OMG)  bilang protesta sa pagtatalaga sa isang opisyal na anila’y may mga kasong kriminal at administratibo.

Sa kasulatang ipinadala ni Executive Secretary Salvador Medialdea kay Presidential spokesperson Harry Roque ay nakasaad dito na boluntaryong nagbitiw sa puwesto ang mga nasabing opisyal ng CIIF-OMG.

Kung nananatili man ngayon sa puwesto ang mga ito  ay dahil sila ay nasa holdover capacity.

“The  CIIF members voluntarily tendered their resignations. They are just there in holdover capacity,” ang kalatas mula kay ES Medialdea ayon kay  Sec. Roque.

Nag-ugat ang pagbibitiw sa pwesto ng 12  matataas na opisyales at ilang mga plant managers ng Coconut Industry Investment Fund-Oil Mills Group (CIIF-OMG) dahil sa pagtatalaga ng Malakanyang kay Rehan Balt Lao bilang bagong presidente at chief executive officer ng CIIF-OMG sa kabila ng pagtutol ng mga board of directors ng naturang government corporation dahil sa ilang anomalya.

Noong Martes ay sinampahan ng kaso ng limang CIIF-OMG board of directors si Lao sa tanggapan ng Ombudsman dahil ito sa pagpapanggap ni Lao bilang pangulo ng CIIF-OMG at hindi pagsusumite ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayaw na umanong makasama ng mga naturang board of directors si Lao alinsunod sa kampanya ni Pangulong Duterte sa malinis na pamahalaan.

Kasunod nito ay ang pagre-resign ng mga plant managers ng tatlong malalaking oil mills sa bansa na magdudulot ng pagtigil sa operasyon nito simula ngayong araw.

Dahil dito, nakatakdang i-shut down ang operasyon ng Granexport Manufacturing Corporation (GRANEX) sa Iligan City, Legaspi Oil Company Incorporated (LEGOIL) sa Bicol Region at ang San Pablo Manufacturing Corporation (SPMC) sa Laguna.

Magreresulta ito ng malaking pagkalugi sa bawat araw ng tigil operasyon ng mga oil mills kabilang na ang pagpapasweldo sa mga regular na empleyado nito sa kabila kanilang pagsasara.

Apektado rin ang nasa dalawang libong magsasaka na nagsu-supply ng copra sa tatlong oil-mills.

Binibili ng CIIF-OMG ang copra ng mga magsasaka sa mas mahal na presyo, pero dahil sa pagsasara ng mga oil mills na pag-aari ng pamahalaan, mapipilitang ibenta ng mga copra farmers ang kanilang produkto sa mas murang halaga sa iba.

Maaapektuhan din ang produksyon ng Minola Cooking Oil at ang pag-eexport ng crude coconut oil sa ibang bansa. (Kris Jose)