Mga nagpa-rehistro para maging botante, ‘relatively high’ – Comelec

Mga nagpa-rehistro para maging botante, ‘relatively high’ – Comelec

July 5, 2022 @ 11:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes na bahagyang mataas ang turnout ng mga aplikante sa unang araw ng pagpapatuloy ng voter registration sa buong bansa.

Sa isang mensahe sa Viber, sinabi ni acting Comelec spokesperson Rex Laudiangco sa mga mamamahayag na base sa initial assessment reports mula sa mga field office ng poll body, ang unang araw ng voter’s registration ngayong araw ay mapayapa at maayos

Ang mga inisyal na ulat sa buong bansa, kabilang ang mga mula sa National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Regions 2, 3, 4A, 5, 6, 12 at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao “ay nagpakita ng maayos na pila sa City at Municipal Election Officers’ Offices na karamihan ng mga aplikanteng kabilang sa mga bagong miyembro ng Katipunan ng Kabataan-Sangguniang Kabataan, na may edad 15 hanggang 17 taong gulang.”

Sa ilalim ng Comelec Resolution 10798, lahat ng field offices ay kailangang magsumite ng daily reports nang hindi lalampas sa 7:00 ng gabi at lahat ng rehiyon ay dapat magsumite ng kanilang mga ulat nang naaayon sa Election and Barangay Affairs Department ng poll body.

Nauna rito, inihayag ng Comelec na ang pagpapatuloy ng voter registration ay gaganapin mula Hulyo 4 hanggang 23, 2022.

Ang pagpaparehistro ay tatakbo mula Lunes hanggang Sabado, kabilang ang mga pista opisyal, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa lahat ng Comelec City at Municipal Offices na may satellite at off-site registrations na gaganapin na may kaukulang abiso upang mapadali ang mas maraming aplikasyon.

Nauna nang ipinaliwanag ni Laudiangco na ang pagpapatuloy ng voter registration ay gaganapin ng wala pang isang buwan sa ilalim ng Republic Act 8189 o ang Continuing Voter’s Registration Act na nagbabawal sa voter registration sa loob ng 120 araw bago ang halalan.

Itinakda ang halalan para sa Barangay at SK election sa Disyembre 5, 2022.

Sinabi ng acting Comelec spokesperson na mayroong post-registration activities at requirements na kailangang iproseso ng poll body bago ang susunod na halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden