MGA NALINDOL TULUNGAN

MGA NALINDOL TULUNGAN

July 29, 2022 @ 7:57 PM 2 weeks ago


GRABE ang naganap na lindol sa parteng Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.

Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng nasa limang nasawi at ipinagdarasal nating gumaling na sa pinakamadaling panahon ang mga nasugatan.

Ayon sa mga panimulang ulat, halos 5,000 ang naapektuhang pamilya at binubuo ito ng mahigit 20,000 katao.

Marami sa mga ito ang nasa mga evacuation center habang sa ibang mga tahanan ang iba.

Para sa mga hindi gaanong napinsalaan, pababalikin lang ang mga ito sa kanilang mga tahanan makaraang matiyak na hindi sila manganganib at kung wala nang mga lindol at aftershock.

Alalahaning naganap ang lindol na magnitude 7 kahapon, dakong 8:30 ng umaga, at madaling araw kinabukasan, may lindol ulit sa nasabing lugar.

MGA PINSALA

Ayon pa rin sa nasabing ulat, may nabilang nang 400 sirang tahanan, dose-dosenang eskwelahan, ilang ospital na pribado at pampubliko, ilang tulay at nagbitak na mga kalsada.

Naapektuhan din ang Vigan Cathedral sa Vigan City at Banta Bell Tower sa bayan ng Bantay, kapwa sa Ilocos Sur.

Tiyak na marami pa ang maiuulat na nasirang mga ari-ariang pribado at pampubliko at pansamantalang tinaya ang halaga ng mga nasira sa P33 bilyon.

Pero siyempre, hindi kasali sa halaga ang takot, sayang na oras sa pag-aaral ng mga bata,  pagkawala ng hanapbuhay ng mga nawalan ng tahanan at pagkasira ng puhunan ng mga negosyante at gastos ng gobyerno sa pagliligtas at pagpapabalik sa normal na pamumuhay ng mga mamamayan.

PAGTUTULUNGAN KAILANGAN

Kung iisipin, hindi na kailangan ang panawagan sa mga hindi napinsalaan na tumulong sa pagbangon ng mga biktima ng lindol.

Ito’y dahil sa likas sa lahat ng Pilipino ang magpaabot ng kanilang mga palad sa mga nangangailangan.

Subalit hindi masamang sabihin na magtulungan tayo lahat para sa kapakanan ng mga nabiktima.

Imadyinin na lang na may mga ina na nag-aalaga sa kanilang mga anak at nawalan ng tahanan at hanapbuhay.

Gayundin ang mga nasa evacuation center na maaaring magtagal roon dahil sa pagkawasak ng kanilang mga tahanan.

Magbubunga rin ng pagkaistorbo sa pag-aaral ng mga bata ang pagiging evacuation center ng mga eskwela at isipin pang marami ring eskwela ang nasira na lalong nagpasikip sa mga silid-aralan.

Tag-ulan na rin ngayon at masasabing dadanasin ng mga biktima ang dulot ng mga bagyo, ulan at baha.

Batay sa mga ito, ang panawagan para sa pagtutulungan ay lalong maging malinaw dahil maging gabay ang mga sitwasyon kung ano-ano ang ating mga bitbitin o maipadala sa ating pagtulong.

Sana naman, hindi lang tayo magdasal para sa mga biktima kundi samahan ito ng mga pagkilos para tulungan sila.

Ang bawat butil ng bigas, halimbawa, na maibabahagi ng milyon-milyong mamamayan ay maaaring makaipon ng daan-daan kundi man libo-libong sako ng bigas na kailangan ng mga biktima.