Mga namatay sa COVID-19 sa Quezon hospital naaagnas na

Mga namatay sa COVID-19 sa Quezon hospital naaagnas na

September 13, 2021 @ 4:20 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines-Nangangamba ang mga empleado ng Quezon Medical Center sa Lucena City sa mga ulat na may mga   nasawi sa COVID-19 na nananatiling nakatiwangwang sa babang pasilyo ng nabanggit na ospital.

Isang mapagkakatiwalaang impormante ang nakakuha ng mga larawan ukol sa ilang bangkay na nakabalot na hanggang ngayo’y wala pang kumukuha at nagsisimula nang maagnas dahil sa hindi maayos na pag-aasikaso ng pamunuan ng ospital.

Sa mga larawan ay makikita ang mga bangkay na nakalagay lang sa mga body bag at iniwan sa ground floor ng Annex Building ng Quezon Medical Center.

Sa ngayon, ayon sa mga nakasaksi, hindi na maganda ang kalagayan sa nasabing pampublikong pasilidad, kung saan sa unang palapag na mismo ng ospital nakalagak ang mga nagsisimula nang mabulok na bangkay ng mga nasawi sa COVID-19 katabi ang mga silid na ginagamit para sa CT Scan, 2D Echo at blood bank.

Mula sa 2nd floor ng ospital ay natatanaw ang mga bangkay na nasa body bags at abot na rin sa nasabing palapag ang umaalingasaw na amoy ng mga ito gayung sa 2nd flr. din naroroon ang stay-in quarters ng mga nurse na naka-duty at ang silid ng mga nagpopositibo at nagpapagaling sa COVID-19.

Mula rin sa ikatlong palapag ng ospital ay kita ang pinakababang pasilyo na  kilalagyan na ayon sa mga nagtungo ng nasabing pagamutan ay abot na rin ang mabahong amoy na dulot nito.

Ayon sa report, nagpatawag na ng pulong ang gobernador ng probinsya na si Governor Danilo Suarez kaugnay ng sitwasyon sa Quezon Medical Center ngunit walang malinaw at kongkretong solusyon na nailatag sa nasabing pulong.

Sinasaad sa DILG-DOH Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020, na hindi maaaring patagalin ang higit labing-dalawang oras ang labi ng isang taong pumanaw sa sakit na COVID-19 bago isagawa ang pagsunog o pag-cremate dito dahil sa lubos itong nakapanghahawa. At kung walang kamag-anak na kukuha sa mga labi, ang mga lokal na pamahalaan ay magsagawa ng agarang pagproseso ng libing o cremation.

Base sa pinakahuling datos ng probinsya ng Quezon nitong Sept.12, nakapagtala ng bagong 153 COVID cases ang probinsya.

Ito ay sa mga sumusunod: Catanauan – 6, Dolores – 1, Guamaca – 20, Patnanungan – 5, Polilo – 3, Sariaya – 12, Tagkawayan – 6, Burdeus – 7, Calauag – 7, Candelaria – 10, Dolores – 2, Gen Nakar – 4,  Infanta – 11, Lucena – 30, Pagbilao – 11, Real – 14 at San Antonio – 4.

Sa kabuuan ay umabot na sa 18,701 ang gumaling sa sakit habang 1,079 naman ang nasawi dahil sa COVID-19 sa probinsya ng Quezon. RNT


  •  
  •  
  •