Mga nanalo sa Cinemalaya 2021, inihayag na!

Mga nanalo sa Cinemalaya 2021, inihayag na!

August 23, 2021 @ 6:04 PM 4 months ago


Manila, Philippines – Inihayag na ang mga nanalo sa ika-17 edisyon ng Cinemalaya Independent Film Festival na nagsimula noong Agosto 6 at magtatapos sa Setyembre 5.

Sa taong ito, virtual ang edisyon ng pinakaaabangang indie film festival ng taon.

Wala ring kategorya para sa full-length films.

Ang short film na “Beauty Queen” na tumatalakay sa buhay ni Remedios Gomez, isang beauty pageant winner sa kanilang bayan noong kapanahunan ng World War II ang nagwagi ng best film.

Ang naturang obra ay idinirehe ni Myra Aquino.

Bukod sa Balanghai trophy, tumanggap din ito ng P150,000 cash prize.

Ang short film naman na “Ang Sadit na Planeta” ng Bicolono filmmaker na si Arjanmar Rebeta ang nagwagi ng tatlo sa anim na awards sa kumpetisyon, kabilang na ang Special Jury Prize.

Ito rin ang tinanghal na Audience Choice at Netpac Jury Prize winner.

“Ang Sadit Na Planeta” (“The Little Planet”) ay kuwento ng isang mapagsapalarang traveler na si Arjan na natagpuan ang sarili sa planetang Planet I. Sa loob ng apatnapung araw, naging misyon niya ang hanapin ang sagot sa kanyang hinahanap sa nasabing planeta.

Ang kontrobersyal na short film na “Kids on Fire” ni Kyle Nieva naman ang ginawaran ng dalawang Balanghai trophy para sa kategoryang Best Screenplay at Best Direction.

Tampok sina Mystica at ang child actor na si Alexis Negrite, ang “Kids on Fire” ay tungkol sa pagbibinata ng isang high school sa panahong namumulat na siya sa kamunduhan ng daigdig at pagiging espituwal ng kanyang kapaligiran.

Ang ibang pang finalists sa taong ito ay ang “The Dust in Your Place”, “Out of Body”, “Namnama en Lolang”, “Maski Papano”, “Kawatan Sa Salog”, “Crossing”, “Ate O.G.”, “Ang Pagdadalaga ni Lola Mayumi”, “Ang Mga Nawalang Pag-asa at Panlasa”, at “Looking for Rafflesias and Other Fleeting Things.”

Ang Cinemalaya 2021 ay mapapanood via streaming online hanggang Setyembre 5 sa Ktx. ph at vimeo ng Cultural Center of the Philippines. Archie Liao