Mga nasawi sa leptospirosis nasa 73

Mga nasawi sa leptospirosis nasa 73

July 20, 2018 @ 1:41 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Iniulat ng Department of Health (DOH) na lumobo na sa 561 ang bilang ng mga dinapuan ng leptospirosis ngayong taon at 73 sa mga ito ay nasawi.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hindi naagapan ang sakit ng mga ito dahil huli na nang magpa-konsulta sa doctor, kaya’t nauwi sa kamatayan.

“Ang leptospirosis ang cases natin ang naospital ang total natin 561, madami talaga, 73 ang pumanaw, dahil nga masyado nang huli nung sila ay magpatingin,” ani Duque, sa panayam sa radyo.

Aniya, mas mataas ang naturang bilang ng 275% kumpara sa naitala nilang kaso sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon, na dulot na rin ng malalakas na ulan at malawakang pagbaha.

“Mataas to’ malaki, 275 percent higher, malaki talaga, kasi nga kakaiba talaga ang mga ulan natin, minsan walang patid. Minsan buong linggo eh umuulan. Lalo na nung mga Hunyo noong kasagsagan ng pagbaha yun din ang pinakamataas na bilang ng leptospirosis cases natin,” dagdag pa ni Duque.

Kaugnay nito, pinaalalahanang muli ni Duque ang mga mamamayan na kung lumusong sa baha at makaramdam ng sintomas ng leptospirosis ay huwag nang magpatumpik-tumpik pa at kaagad nang kumonsulta sa doktor.

Ilan aniya sa mga sintomas ng sakit ay mataas na lagnat, pananakit ng ulo, paninilaw ng balat at pamumula ng mata.

Ayon pa sa Kalihim, hindi na dapat pang hintayin na manilaw ang balat ng pasyente dahil kapag nanilaw na ang balat ay nangangahulugang napinsala na ng leptospirosis ang kanyang atay.

Paalala pa ni Duque na maituturing na high-risk sa nasabing sakit ang mga taong nakatira sa mga lugar na laging binabaha, gayundin ang mga nagtatrabaho sa disaster preparedness at lagi ring lumulusong sa baha.

Una nang nagdeklara ng leptospirosis outbreak sa may 28 barangay ang DOH kamakailan dahil sa pagdami ng bilang ng mga dinapuan ng naturang karamdaman.  (Macs Borja)